8. Sinunog nila ang mga pintuan ng Templo at pinatay ang mga taong wala namang kasalanan. Ngunit kami ay tumawag sa Panginoon at dininig naman niya ang aming panalangin, kaya't kami ay nag-alay ng handog na hayop at harina, nagsindi ng mga ilawan, at naghain ng tinapay sa altar.
9. Ngayon ay ipinapaalala namin sa inyo na ipagdiwang ang Pista ng mga Tolda sa ikasiyam na buwan. Isinulat ito ngayong taóng 188.”
10. “Ang mga taga-Jerusalem at taga-Judea, ang Senado, at si Judas, ay bumabati kay Aristobulo na tagapayo ni Haring Tolomeo at mula sa angkan ng mga hinirang na pari. Binabati rin namin ang mga Judio sa Egipto. Nawa'y patuloy na maging masagana ang inyong buhay.
11. “Nagpapasalamat kami sa Diyos sa pagliligtas niya sa amin sa panganib at pamamatnubay sa aming pakikidigma laban sa hari.
12. Siya ang nagpalayas sa mga nangahas lumusob sa banal na lunsod.
13. Nang dumating sa Persia si Haring Antioco, kasama ang isang hukbong parang hindi matatalo, sila'y pinatay at pinagputul-putol sa Templo ng diyosang si Nanea. Ito'y isinagawa ng mga tusong pari ng diyosa.
14. Si Antioco ay pumunta sa Templo kasama ang mga tagapayo niya at nagkunwang pakakasal sa diyosa upang makamkam ang kayamanan doon bilang regalo sa kanilang pag-iisang-dibdib.
15. Nang mailabas ng mga pari ang mga kayamanan, pumunta sa templo si Antioco at ang mga kaibigan niya para kunin ang mga iyon; ngunit nang nasa loob na sila, isinara ng mga pari ang mga pinto.
16. At isang lihim na lagusan sa kisame ang kanilang binuksan at mula roo'y binato nila ang mga panauhin hanggang sa mamatay. Pinagputul-putol nila ang mga bangkay at inihagis ang mga ulo sa labas.
17. Purihin ang ating Diyos na naglalapat ng parusa sa mga lapastangan.
18. “Sa ikadalawampu't limang araw ng ikasiyam na buwan, ipagdiriwang namin ang pagdalisay sa Templo, kaya naisip naming balitaan kayo, upang ipagdiwang naman ninyo ang Pista ng mga Tolda at inyong maalala ang paglitaw ng apoy na tumupok sa inialay na handog ni Nehemias matapos na muli niyang itayo ang Templo at ang altar.