2 Macabeo 1:23-34 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

23. Habang natutupok ang handog, pinangunahan sila ni Jonatan sa pananalangin at tumugon naman si Nehemias at ang mga tao.

24. “Ganito ang panalangin ni Nehemias:‘Panginoon naming Diyos, ikaw ang lumikha ng lahat ng bagay; kahanga-hanga ka, makapangyarihan, makatarungan at mahabagin. Ikaw lamang ang hari. Ikaw lamang ang mahabagin,

25. makatarungan at makapangyarihan. Ikaw ang walang hanggang tagapagligtas ng Israel. Ikaw ang humirang at nagpala sa aming mga ninuno.

26. Tanggapin mo ang handog naming ito para sa Israel. Ingatan mo at pabanalin ang iyong bansang pinili.

27. Tipunin mo po ang nagkawatak-watak na mga Judio, na inalipin ng mga Hentil. Kahabagan mo po ang mga kinamumuhian at inaapi, upang malaman ng mga Hentil na ikaw ang aming Diyos.

28. Parusahan mo ang labis na nagpapahirap sa amin at nagmamalaki pa sa pag-api sa amin.

29. At gaya ng ipinangako mo sa pamamagitan ni Moises, itatag mo ang iyong bansa sa iyong lupang banal.’

30. “Pagkatapos manalangin, ang mga pari ay nag-awitan.

31. Natupok nga ang handog, ngunit may natira pang putik na buhat sa balon, kaya't iniutos ni Nehemias na ibuhos ito sa malalaking bato.

32. Pagkabuhos, isang malaking ningas ang sumiklab, ngunit mas maliwanag pa rin ang ningning ng liwanag buhat sa altar.

33. “Nabalitaan ito ng mga tao at umabot din sa kaalaman ng hari ng Persia.

34. Ang dakong pinagkunan ng putik na ginamit ni Nehemias at ng mga kasamahan niya para sunugin ang handog ay pinabakuran ng hari ng Persia, at ipinahayag niyang banal ang pook na iyon.

2 Macabeo 1