2 Macabeo 1:15-30 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

15. Nang mailabas ng mga pari ang mga kayamanan, pumunta sa templo si Antioco at ang mga kaibigan niya para kunin ang mga iyon; ngunit nang nasa loob na sila, isinara ng mga pari ang mga pinto.

16. At isang lihim na lagusan sa kisame ang kanilang binuksan at mula roo'y binato nila ang mga panauhin hanggang sa mamatay. Pinagputul-putol nila ang mga bangkay at inihagis ang mga ulo sa labas.

17. Purihin ang ating Diyos na naglalapat ng parusa sa mga lapastangan.

18. “Sa ikadalawampu't limang araw ng ikasiyam na buwan, ipagdiriwang namin ang pagdalisay sa Templo, kaya naisip naming balitaan kayo, upang ipagdiwang naman ninyo ang Pista ng mga Tolda at inyong maalala ang paglitaw ng apoy na tumupok sa inialay na handog ni Nehemias matapos na muli niyang itayo ang Templo at ang altar.

19. Nangyari ito noong panahong bihagin sa Persia ang ating mga ninuno. Ang mga tapat na pari noong panahong iyon ay kumuha ng apoy sa altar at itinago ito sa isang tuyong balon nang walang nakakaalam.

20. Lumipas ang mga taon, at niloob ng Diyos na si Nehemias ay mapag-utusan ng hari ng Persia na hanapin ang nawawalang apoy na iyon. Mga salinlahi ng mga paring nagtago ng apoy ang isinugo ni Nehemias para hanapin ang nasabing apoy. Ibinalita nila sa aming wala nang apoy sa balon kundi putik lamang. Iniutos ni Nehemias sa mga pari na kumuha ng putik na iyon

21. at ibuhos sa handog sa altar at sa kahoy na kinapapatungan nito.

22. Ginawa nga nila ito, at paglitaw ng araw na noo'y natatakpan ng ulap, isang malaking siga ang sumiklab sa ibabaw ng altar. Namangha ang lahat sa kanilang nasaksihan.

23. Habang natutupok ang handog, pinangunahan sila ni Jonatan sa pananalangin at tumugon naman si Nehemias at ang mga tao.

24. “Ganito ang panalangin ni Nehemias:‘Panginoon naming Diyos, ikaw ang lumikha ng lahat ng bagay; kahanga-hanga ka, makapangyarihan, makatarungan at mahabagin. Ikaw lamang ang hari. Ikaw lamang ang mahabagin,

25. makatarungan at makapangyarihan. Ikaw ang walang hanggang tagapagligtas ng Israel. Ikaw ang humirang at nagpala sa aming mga ninuno.

26. Tanggapin mo ang handog naming ito para sa Israel. Ingatan mo at pabanalin ang iyong bansang pinili.

27. Tipunin mo po ang nagkawatak-watak na mga Judio, na inalipin ng mga Hentil. Kahabagan mo po ang mga kinamumuhian at inaapi, upang malaman ng mga Hentil na ikaw ang aming Diyos.

28. Parusahan mo ang labis na nagpapahirap sa amin at nagmamalaki pa sa pag-api sa amin.

29. At gaya ng ipinangako mo sa pamamagitan ni Moises, itatag mo ang iyong bansa sa iyong lupang banal.’

30. “Pagkatapos manalangin, ang mga pari ay nag-awitan.

2 Macabeo 1