1 Samuel 6:7-17 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

7. Kaya't maghanda kayo ng isang bagong kariton, at dalawang gatasang baka na may bisiro at hindi pa napagtatrabaho kahit kailan. Ikulong ninyo ang mga guya, at ipahila ang kariton sa dalawang baka.

8. Isakay ninyo sa kariton ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, at itabi ninyo rito ang kahon ng mga bukol at dagang ginto. Pagkatapos, palakarin ninyo ang mga baka nang walang umaakay.

9. Tingnan ninyo kung saan pupunta. Kapag dumiretso sa Beth-semes, si Yahweh nga ang nagparusa sa inyo. Kapag hindi nagtuloy sa Beth-semes, hindi siya ang may kagagawan ng nangyari sa atin, kundi nagkataon lamang.”

10. Kumuha nga sila ng dalawang babaing baka na may guya, ipinahila sa mga ito ang kariton, at ikinulong ang mga guya nito.

11. Isinakay nila sa kariton ang Kaban ng Tipan at ang kahon ng mga daga at bukol na ginto.

12. Lumakad ang mga baka tuluy-tuloy sa Beth-semes, umuunga pa ang mga ito habang daan. Ang mga ito'y hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa. Ang mga pinunong Filisteo naman ay sumunod hanggang sa hangganan ng Beth-semes.

13. Nag-aani noon ng trigo ang mga taga-Beth-semes at napasigaw sila sa tuwa nang makita ang Kaban.

14. Ang kariton ay itinigil sa tabi ng isang malaking bato sa bukid ni Josue na taga-Beth-semes. Nilansag ng mga tagaroon ang kariton at sinindihan. Pagkatapos, pinatay nila ang dalawang baka at inialay bilang handog kay Yahweh.

15. Kinuha ng mga Levita ang Kaban ng Tipan ni Yahweh at ang kahon ng mga daga at bukol na ginto. Ipinatong nila ito sa malaking batong naroon. Nang araw ring iyon, ang mga taga-Beth-semes ay naghandog kay Yahweh.

16. Nang makita ng limang haring Filisteo ang nangyari, nagbalik na ang mga ito sa Ekron.

17. Ito ang mga bayang pinag-ukulan ng mga gintong bukol na inihandog ng mga Filisteo kay Yahweh bilang handog na pambayad sa kasalanan: Asdod, Gaza, Ashkelon, Gat at Ekron.

1 Samuel 6