17. Pag-isipan po ninyo kung ano ang mabuting gawin ngayon, sapagkat ang nangyari ay tiyak na magbubunga ng masama sa aming panginoon at sa buo niyang sambahayan. Hindi naman namin masabi sa kanya ito sapagkat matigas ang ulo niya; tiyak na hindi niya kami papakinggan.”
18. Dali-daling naghanda si Abigail ng dalawandaang tinapay. Pinuno niya ng alak ang dalawang sisidlan, nagpapatay ng limang tupa, nagpakuha ng limang takal ng sinangag na trigo, sandaang kumpol ng pasas at dalawandaang tinapay na igos; lahat ng ito'y ikinarga niya sa mga asno.
19. Pagkatapos, sinabi niya sa ilan niyang tauhan, “Mauna kayo sa akin, at susunod ako.” Hindi niya ito ipinaalam kay Nabal na kanyang asawa.
20. Habang pababa si Abigail sa isang burol, dumarating naman sina David mula sa kabila.
21. Sa galit ni David kay Nabal ay nasabi niya, “Sayang lamang ang pangangalaga natin sa ari-arian ng Nabal na iyon. Tinulungan natin siya at walang nabawas sa kanyang kawan, ngunit ito pa ang iginanti sa atin.
22. Parusahan sana ako ng Diyos kapag hindi ko pinatay bukas ang lahat ng lalaki sa kanyang sambahayan.”
23. Nang makita ni Abigail si David, nagmamadali siyang bumabâ sa kanyang asno at nagpatirapa sa harapan ni David.
24. Sinabi niya, “Ako na po ang inyong sisihin. Pakinggan po muna sana ninyo ang aking sasabihin.
25. Huwag po ninyong pansinin si Nabal. Wala pong kuwentang tao iyon. Tamang-tama po sa kanya ang kanyang pangalan, siya po'y luku-luko. Hindi ko po kasi nakita ang mga tauhan ninyong pinapunta sa amin.
26. Ngayon po'y niloob ni Yahweh na huwag matuloy ang inyong paghihiganti upang hindi mabahiran ng dugo ang inyong mga kamay. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, lahat ng naghahangad ng masama laban sa inyo ay mapapahamak, tulad ni Nabal.
27. Narito po, tanggapin po ninyo ang nakayanan ng inyong lingkod at ipamigay ninyo sa inyong mga tauhan.