1 Mga Taga-Corinto 16:1-10 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

1. Tungkol naman sa tulong para sa mga kapatid sa Jerusalem, gawin ninyo iyon ayon sa sinabi ko sa mga iglesya sa Galacia.

2. Tuwing unang araw ng sanlinggo, ang bawat isa ay maglaan ng bahagi ng kanyang kinikita at ipunin iyon upang huwag nang manghingi pa ng tulong pagpunta ko riyan.

3. Pagdating ko riyan, bibigyan ko ng sulat ang mga taong pipiliin ninyo upang magdala ng inyong tulong sa Jerusalem.

4. At kung kailangang pumunta rin ako, sasama ako sa kanila.

5. Pupunta ako riyan pagkagaling ko sa Macedonia, sapagkat binabalak kong dumaan doon.

6. Magtatagal ako riyan at maaaring diyan na ako magpapalipas ng taglamig upang ako'y matulungan ninyo saan man ako pupunta.

7. Ayaw kong ako'y dadaan lamang diyan; nais kong magtagal nang kaunti kung loloobin ng Panginoon.

8. Titigil ako sa Efeso hanggang sa araw ng Pentecostes

9. dahil may magandang pagkakataon dito para sa paglilingkod, kahit na maraming humahadlang.

10. Pagdating diyan ni Timoteo, ipadama ninyo ang inyong pagtanggap sa kanya upang mapanatag ang kanyang kalooban, sapagkat siya'y tulad kong naglilingkod sa Panginoon.

1 Mga Taga-Corinto 16