9. Sapagkat ako ang pinakahamak sa mga apostol; ni hindi nga ako karapat-dapat tawaging isang apostol, sapagkat inusig ko ang iglesya ng Diyos.
10. Ngunit dahil sa kagandahang-loob niya, ako'y naging isang apostol, at hindi naman nawalan ng kabuluhan ang kaloob niyang ito sa akin. Katunayan, nagpagal ako nang higit kaysa sinuman sa kanila, subalit hindi ito dahil sa sarili kong kakayahan kundi sa dahil sa kagandahang-loob ng Diyos na nasa akin.
11. Kaya't maging ako o sila, ito ang ipinapangaral namin, at ito ang pinaniwalaan ninyo.
12. Ngayon, kung ipinapangaral naming si Cristo'y muling nabuhay, bakit sinasabi ng ilan sa inyo na hindi bubuhaying muli ang mga patay?
13. Kung totoo iyan, lilitaw na hindi muling binuhay si Cristo.
14. At kung si Cristo'y hindi muling binuhay, walang kabuluhan ang aming pangangaral at walang katuturan ang inyong pananampalataya.
15. Kung ganoon, lilitaw na kami'y mga sinungaling na saksi ng Diyos dahil pinatotohanan namin na muling binuhay ng Diyos si Cristo ngunit hindi naman pala, kung talagang walang muling pagkabuhay ng mga patay.
16. Kung hindi muling binuhay ang mga patay, hindi rin muling binuhay si Cristo.
17. At kung hindi muling binuhay si Cristo, kayo'y hindi pa nalilinis sa inyong mga kasalanan at walang katuturan ang inyong pananampalataya.
18. Hindi lamang iyan, lilitaw pa na ang lahat ng namatay na sumasampalataya kay Cristo ay napahamak.
19. Kung ang pag-asa natin kay Cristo ay para lamang sa buhay na ito, tayo na ang pinakakawawa sa lahat ng tao.
20. Ngunit ngayong si Cristo'y muling binuhay, ito'y katibayan na muling bubuhayin ang mga patay.