1 Mga Taga-Corinto 15:37-50 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

37. At ang itinatanim ay hindi halamang malaki na, kundi binhi, tulad ng butil ng trigo, o ng ibang binhi.

38. Ang Diyos ang nagbibigay ng katawan sa binhing iyon, ayon sa kanyang kagustuhan; bawat binhi'y binigyan niya ng angkop na katawan.

39. At hindi pare-pareho ang laman ng mga nilikhang may buhay; iba ang laman ng tao, iba ang laman ng hayop, iba ang sa mga ibon, at iba ang sa mga isda.

40. May mga katawang panlangit at mayroon namang panlupa; iba ang kagandahang panlupa at iba ang kagandahang panlangit.

41. Iba ang liwanag ng araw, iba naman ang liwanag ng buwan, at iba rin ang liwanag ng mga bituin, sapagkat maging ang mga bituin ay magkakaiba ang liwanag.

42. Ganyan din sa muling pagkabuhay. Ang katawang inilibing ay mabubulok, ngunit di mabubulok kailanman ang katawang muling binuhay;

43. pangit at mahina nang ilibing, maganda't malakas kapag muling nabuhay;

44. inilibing na katawang panlupa, muling mabubuhay bilang katawang panlangit. Kung may katawang panlupa, mayroon ding katawang panlangit.

45. Ganito ang sinasabi sa kasulatan, “Ang unang tao, si Adan, ay nilikhang binigyan ng buhay;” ang huling Adan ay Espiritung nagbibigay buhay.

46. Ngunit hindi nauna ang panlangit; ang panlupa muna bago ang panlangit.

47. Ang unang Adan ay mula sa lupa, sapagkat nilikha siya mula sa alabok; ang pangalawang Adan ay mula sa langit.

48. Ang katawang panlupa ay katulad ng nagmula sa lupa; ang katawang panlangit ay katulad ng nagmula sa langit.

49. Kung paanong tayo'y naging katulad ng taong nagmula sa lupa, matutulad din tayo sa taong nanggaling sa langit.

50. Ito ang ibig kong sabihin, mga kapatid, ang binubuo ng laman at dugo ay hindi maaaring makabahagi sa kaharian ng Diyos, at ang katawang panlupa ay di maaaring magmana ng buhay na walang hanggan.

1 Mga Taga-Corinto 15