1 Mga Taga-Corinto 10:13-29 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

13. Wala pang pagsubok na dumating sa inyo na hindi nararanasan ng lahat ng tao. Tapat ang Diyos, at hindi niya ipapahintulot na kayo'y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang mapagtagumpayan iyon.

14. Kaya nga, mga minamahal, huwag kayong sasamba sa mga diyus-diyosan.

15. Ganito ang sinasabi ko sa inyo sapagkat alam kong kayo'y matatalino; kayo na ang magdesisyon.

16. Hindi ba't ang pag-inom natin sa kopa ng pagpapala na ating ipinagpapasalamat ay pakikibahagi sa dugo ni Cristo? At ang pagkain natin ng tinapay na ating pinipira-piraso ay pakikibahagi naman sa kanyang katawan?

17. Kaya nga, dahil iisa lamang ang tinapay, tayo'y iisang katawan kahit na tayo'y marami, sapagkat nagsasalu-salo tayo sa iisang tinapay.

18. Tingnan ninyo ang bansang Israel. Hindi ba't ang mga kumakain ng mga handog ay nakikibahagi sa ginagawa sa dambana?

19. Anong ibig kong sabihin? Sinasabi ko bang ang diyus-diyosan, o ang pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan ay may kabuluhan?

20. Hindi! Ang ibig kong sabihin, ang mga pagano ay nag-aalay ng kanilang handog sa mga demonyo, at hindi sa Diyos. Kaya't ayaw kong maging kaisa kayo ng mga demonyo.

21. Hindi kayo makakainom ng sabay sa kopa ng Panginoon at sa kopa ng mga demonyo. Hindi rin kayo maaaring makisalo ng sabay sa hapag ng Panginoon at sa hapag ng mga demonyo.

22. Nais ba nating manibugho ang Panginoon? Akala ba ninyo'y mas makapangyarihan tayo kaysa sa kanya?

23. Mayroon namang magsasabi, “Malaya akong gumawa ng anuman,” ngunit hindi lahat ng ito ay nakakabuti. “Malaya akong gumawa ng anuman,” ngunit hindi rin lahat ng ito'y nakakatulong.

24. Huwag ang sariling kapakanan ang unahin ninyo, kundi ang sa iba.

25. Kumain kayo ng anumang nabibili sa tindahan ng karne at huwag nang magtanong pa upang hindi mabagabag ang inyong budhi.

26. Sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Ang buong daigdig at lahat ng naroroon, ang Panginoon ang may-ari niyon!”

27. Kung anyayahan kayo ng isang di sumasampalataya at nais ninyong dumalo, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo at huwag na kayong magtanong pa kung iyon ay ikagugulo ng inyong budhi.

28. Ngunit kung may magsabi sa inyo, “Ito'y inialay sa mga diyus-diyosan,” huwag ninyong kainin iyon alang-alang sa nagsabi sa inyo, upang di mabagabag ang budhi.

29. Ang aking tinutukoy ay ang budhi ng inyong kapwa, at hindi ang budhi ninyo.Ikakatwiran naman ng iba, “Bakit hahadlangan ng budhi ng iba ang aking kalayaan?”

1 Mga Taga-Corinto 10