12. Ito ang tinutukoy ko: may nagsasabing, “Kay Pablo ako;” may nagsasabi namang, “Ako'y kay Apolos.” May iba pa ring nagsasabi, “Kay Pedro ako,” at may iba namang nagsasabi, “Ako'y kay Cristo.”
13. Bakit? Nahati ba si Cristo? Si Pablo ba ang ipinako sa krus para sa inyo? Binautismuhan ba kayo sa pangalan niya?
14. Salamat sa Diyos at wala akong binautismuhan sa inyo maliban kina Crispo at Gaius,
15. kaya hindi ninyo masasabing kayo'y binautismuhan sa aking pangalan.
16. Ako nga rin pala ang nagbautismo sa pamilya ni Estefanas. Maliban sa kanila'y wala na akong natatandaang binautismuhan ko.
17. Sapagkat isinugo ako ni Cristo, hindi upang magbautismo kundi upang mangaral ng Magandang Balita. Ipinangaral ko nga ito, ngunit hindi sa pamamagitan ng mahusay na pagtatalumpati at karunungan ng tao, nang sa gayon ay hindi mawalan ng kabuluhan ang pagkamatay ni Cristo sa krus.
18. Ang mensahe tungkol sa pagkamatay ni Cristo sa krus ay kahangalan para sa mga taong naliligaw ng landas, ngunit ito'y kapangyarihan ng Diyos para sa ating mga naliligtas.
19. Sapagkat nasusulat, “Sisirain ko ang karunungan ng marurunong at gagawin kong walang saysay ang katalinuhan ng matatalino.”
20. Ano ngayon ang kabuluhan ng marurunong, ng mga tagapagturo ng Kautusan, ng mahuhusay na debatista sa kapanahunang ito? Ipinapakita ng Diyos na ang karunungan ng sanlibutang ito ay pawang kahangalan lamang.
21. Sapagkat ayon sa karunungan ng Diyos, hindi niya pinahintulutang siya'y makilala ng tao sa pamamagitan ng kanilang karunungan. Sa halip, minarapat niyang iligtas ang mga nagpapasakop sa kanya sa pamamagitan ng Magandang Balita na aming ipinapangaral, na sa tingin ng iba'y isang kahangalan.
22. Ang mga Judio'y humihingi ng himala bilang katunayan. Karunungan naman ang hinahanap ng mga Griyego.
23. Ngunit ang ipinapangaral namin ay si Cristo na ipinako sa krus, na para sa mga Judio ay isang katitisuran at para sa mga Hentil ay isang kahangalan.