1 Mga Hari 7:39-50 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

39. Inilagay niya ang lima sa gawing kaliwa at ang lima'y sa gawing kanan ng Templo. Samantala, ang tangkeng tanso ay nasa gawing kanan ng Templo, sa sulok na timog-silangan.

40. Gumawa rin si Hiram ng mga kaldero, mga pala at mga mangkok. Natapos nga niyang lahat ang mga ipinagawa sa kanya ni Haring Solomon:

41. ang dalawang haliging tanso, ang mga kapitel nito at mga kadenang nakapalamuti sa kapitel;

42. ang 400 hugis granada na nakapaligid nang dalawang hanay sa puno ng kapitel;

43. ang sampung hugasan at ang kani-kanilang mga patungan;

44. ang tangkeng tanso at ang labindalawang toro na kinapapatungan niyon;

45. ang mga kaldero, pala at mangkok.Ang lahat ng nasabing kagamitan na ipinagawa ni Haring Solomon kay Hiram ay purong tanso.

46. Ipinahulma niya ang lahat ng iyon sa kapatagan ng Jordan sa isang pagawaang nasa pagitan ng Sucot at Zaretan.

47. Hindi na ipinatimbang ni Solomon ang mga kasangkapang tanso sapagkat napakarami ng mga iyon.

48. Nagpagawa rin si Solomon ng mga kagamitang ginto na nasa Templo ni Yahweh: ang altar na sunugan ng insenso, ang mesang patungan ng tinapay na handog;

49. ang mga patungan ng ilawan sa harap ng Dakong Kabanal-banalan, lima sa kanan at lima sa kaliwa; ang mga palamuting bulaklak, ang mga ilawan at pang-ipit ng mitsa;

50. ang mga tasang lalagyan ng langis, ang mga pamutol ng mitsa, ang mga mangkok, ang mga sisidlan ng insenso at lalagyan ng apoy; at ang mga paikutan ng mga pinto ng Dakong Kabanal-banalan, at gayundin ng mga pinto ng Dakong Banal.

1 Mga Hari 7