6. Bago nila pinasok ito, sinabi ni David, “Ang unang makapatay ng isang Jebuseo ay gagawin kong pinuno.” Ang unang nangahas umakyat sa kampo ay si Joab na anak ni Zeruias, kaya siya ang ginawang pinakamataas na pinuno ng hukbo.
7. Doon tumira si David sa kampo, kaya tinawag ang lugar na iyon na Lunsod ni David.
8. Pinalawak niya ang lunsod sa palibot nito mula sa Millo, samantalang itinayong muli ni Joab ang ibang bahagi ng lunsod.
9. Lalong tumatag ang paghahari ni David, sapagkat pinapatnubayan siya ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat.
10. Ito naman ang mga pinuno ng mga magigiting na tauhan ni David na sa tulong ng buong Israel, ay nagpalakas at nagpatatag ng kanyang kaharian, sa pangako ni Yahweh.
11. Una sa lahat, ay si Jasobeam, isang Hacmonita. Siya ang pinuno ng pangkat na Tatlo. Kahit nag-iisa, nakapatay siya ng 300 kaaway sa pamamagitan lamang ng kanyang sibat.
12. Ang pangalawa'y si Eleazar, isa sa tinaguriang Tatlo. Siya'y anak ni Dodo na isang Ahohita.
13. Si Eleazar ang kasama ni David sa Pas-dammim nang mapalaban sila sa mga Filisteo sa isang bukid ng sebada. Natakot noon ang mga Israelita, at sila'y tumakas.