59. Lumabas nga sila at nakipag-usap kay Baquides.
60. Sumang-ayon naman ito at lumakad kasama ang isang malaking hukbo. Lihim siyang nagpadala ng liham sa kanyang mga kapanalig sa buong Judea upang sabihin sa kanilang dakpin si Jonatan at ang mga tauhan nito. Ngunit nabigo ang balak na ito sapagkat natuklasan agad.
61. Sa katunayan, limampu sa mga nanguna sa masamang hangad na iyon ang nahuli nina Jonatan at kanilang pinatay.
62. Pagkatapos nito, sina Jonatan at Simon ay nagpunta sa ilang ng Bethbasi kasama ang kanilang mga tauhan. Ang kutang sinira doon ay muli nilang itinayo at pinatibay.
63. Nabalitaan din ito ni Baquides at ito'y ipinaalam sa mga kapanalig niya sa Judea. Tinipon niya ang kanyang hukbo.
64. Lumakad sila at nagkampo sa tapat ng Bethbasi. Gumawa siya ng mga kasangkapang pandigma at puspusang sinalakay sina Jonatan. Ilang araw na naging mahigpitan ang labanan.
65. Ang pagtatanggol sa lunsod ay iniwan ni Jonatan kay Simon. Lumabas siya, kasama ang isang maliit na pangkat,
66. at sinalakay si Odomera. Nang magapi niya ito, isinunod ang kampo ni Fasiron. Pagkatapos ay nagbalik sila sa kuta nina Simon.
67. Sa kabilang dako, mula sa lunsod ay lumabas sina Simon at sinunog ang mga kuta't kagamitang panalakay ni Baquides.
68. Puspusan silang lumaban sa pangkat nito, at ito'y nagapi nila. Labis na dinamdam ni Baquides ang kanyang pagkatalo sapagkat nabigo ang kanyang hangarin.
69. Ang pinagbuntunan niya ng galit ay ang mga sumusuway sa utos ng Diyos dahil ang mga taong ito ang nagpayong lusubin niya ang lalawigan. Pinatay niya ang marami sa kanila, at pagkatapos, ipinasya niyang umuwi na.
70. Nalaman ito ni Jonatan, kaya't nagsugo siya ng mga kinatawan upang makipagkasundo kay Baquides at tuloy sikaping mapalaya ang kanilang mga kasamang nabilanggo.
71. Pumayag si Baquides sa alok na ito ni Jonatan at nangako pang hahayaan siyang mabuhay ng mapayapa.
72. Gaya nang napagkasunduan, pinalaya niya ang mga bilanggong nabihag sa Judea. Nagbalik siya sa sariling bansa at mula noo'y hindi na nagpakita sa Judea.