48. Dahil dito, lumangoy si Jonatan at ang kanyang mga kasamahan patungo sa kabilang pampang ng Jordan. Hindi naman sila sinundan ng kanilang kaaway.
49. May isang libong kawal ni Baquides ang nasawi nang araw na iyon.
50. Si Baquides at ang hukbo niya'y nagbalik sa Jerusalem. Nagpagawa siya ng matitibay na kuta sa buong Judea. Kabilang sa mga lunsod na tinayuan niya ng matataas na pader at matitibay na pinto ang mga sumusunod: Jerico, Emaus, Beth-horon, Bethel, Timnat, Paraton at Tefon.
51. Sa bawat lunsod na ito ay naglagay siya ng mga kawal na handang lumaban sa Israel.
52. Pinatibay rin niya ang muog at toreng bantayan ng lunsod ng Beth-sur, Gezer at Jerusalem. Nagtalaga rin siya ng mga kawal doon at nagtayo ng mga kamalig ng pagkain.
53. Ang mga anak ng mga pangunahing mamamayan ng bansa ay binihag niya at ikinulong sa kuta ng Jerusalem.
54. Nang ikalawang buwan ng taóng 153, iniutos ni Alcimo na wasakin ang pader ng bulwagan ng Templo na ipinagawa ng mga propeta. Ngunit bago pa lang sinisimulan ang pagsira
55. ay dinapuan siya ng karamdaman at natigil ang pagwawasak niyon. Hindi niya maibuka ang kanyang bibig at siya'y naging lumpo. Bunga nito, hindi siya makapag-utos ng anuman sa kanyang sambahayan.
56. Hindi nagtagal, namatay siya sa tindi ng hirap.
57. Nang mamatay na si Alcimo, bumalik na sa hari si Baquides. Mula noon, dalawang taóng natahimik ang Judea.
58. Sa pagkabigong ito, nagpulong ang mga taksil sa Kautusan. Sinabi nila, “Matatag at tahimik na ngayong namumuhay sina Jonatan at ang kanyang mga kasama. Kung tawagin natin si Baquides at ipalusob sila ngayon, tiyak na sa isang gabi lamang ay mabibihag silang lahat.”
59. Lumabas nga sila at nakipag-usap kay Baquides.
60. Sumang-ayon naman ito at lumakad kasama ang isang malaking hukbo. Lihim siyang nagpadala ng liham sa kanyang mga kapanalig sa buong Judea upang sabihin sa kanilang dakpin si Jonatan at ang mga tauhan nito. Ngunit nabigo ang balak na ito sapagkat natuklasan agad.