41. Ang pagdiriwang na iyon ay naging pagdadalamhati.
42. Naipaghiganti rin nila ang kaapihan ng kanilang kapatid, at nagbalik ang mga Judio sa may latian ng Ilog Jordan.
43. Nalaman ni Baquides ang nangyari, kaya nang dumating ang Araw ng Pamamahinga, nagsama siya ng isang malakas na hukbo at nagpunta sa may Ilog Jordan.
44. Sa harap ng ganitong panganib, sinabi ni Jonatan sa mga kasamahan, “Kailangang lumaban tayo kung gusto nating mabuhay. Mas mapanganib ang kalagayan natin ngayon kaysa noong mga araw na nagdaan.
45. Hindi natin maiiwasan ang hukbong ito sa ating harapan; sa likuran naman nati'y ang Ilog Jordan at sa magkabila naman ay mga latian. Wala tayong tatakasan.
46. Manalangin tayo ngayon sa Diyos para tayo maligtas sa ating mga kaaway.”
47. Nagsagupa ang dalawang pangkat at nang sugurin ni Jonatan si Baquides, ito'y umurong at di lumaban.
48. Dahil dito, lumangoy si Jonatan at ang kanyang mga kasamahan patungo sa kabilang pampang ng Jordan. Hindi naman sila sinundan ng kanilang kaaway.
49. May isang libong kawal ni Baquides ang nasawi nang araw na iyon.
50. Si Baquides at ang hukbo niya'y nagbalik sa Jerusalem. Nagpagawa siya ng matitibay na kuta sa buong Judea. Kabilang sa mga lunsod na tinayuan niya ng matataas na pader at matitibay na pinto ang mga sumusunod: Jerico, Emaus, Beth-horon, Bethel, Timnat, Paraton at Tefon.
51. Sa bawat lunsod na ito ay naglagay siya ng mga kawal na handang lumaban sa Israel.