37. Makalipas ang ilang panahon, dumating sa magkapatid na Jonatan at Simon ang balitang ang mga Jambrita ay magdiriwang ng isang kasalan. Ang ikakasal ay isang prinsesa sa Canaan na maglalakbay mula sa Nadaba.
38. Nais ng dalawa na ipaghiganti ang pagkamatay ng kapatid nilang si Juan, kaya nagtago sila at ang kanilang mga tauhan sa isang bundok at nag-abang sa pagdaraan ng ikakasal.
39. Dumating ngang nagkakaingay ang pangkat na may dalang kagamitan. Sinalubong sila ng lalaking ikakasal, ng mga kamag-anak at mga kaibigan na dala ang iba't ibang instrumento sa pagtugtog at mga sandata.
40. Mula sa kanilang pinagtatagua'y lumabas ang mga Judio at sinalakay ang pangkat. Marami ang napatay at ang iba nama'y nakatakas sa bundok. Sinamsam nila ang naiwang mga kagamitan.
41. Ang pagdiriwang na iyon ay naging pagdadalamhati.
42. Naipaghiganti rin nila ang kaapihan ng kanilang kapatid, at nagbalik ang mga Judio sa may latian ng Ilog Jordan.
43. Nalaman ni Baquides ang nangyari, kaya nang dumating ang Araw ng Pamamahinga, nagsama siya ng isang malakas na hukbo at nagpunta sa may Ilog Jordan.
44. Sa harap ng ganitong panganib, sinabi ni Jonatan sa mga kasamahan, “Kailangang lumaban tayo kung gusto nating mabuhay. Mas mapanganib ang kalagayan natin ngayon kaysa noong mga araw na nagdaan.