1 Macabeo 9:24-33 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

24. Nagkaroon din ng matinding taggutom sa panahong iyon, kaya't ang mamamayan ay pumanig sa mga taksil.

25. Ang kinuha ni Baquides para mamahala sa bansa ay mga taong hindi kumikilala sa Diyos.

26. Hinanap ng mga ito ang lahat ng mga kaibigan ni Judas, dinakip at dinala kay Baquides upang paghigantihan at hiyain.

27. Hindi pa nararanasan ng bansang Israel ang ganitong kahirapan mula noong panahong wala nang lumitaw na propeta sa Israel.

28. Ang mga kaibigan ni Judas ay lumapit kay Jonatan. Sabi nila,

29. “Mula nang mamatay ang iyong kapatid, wala pang nangahas sumalungat sa mga kaaway natin. Walang makaharap kay Baquides at sa mga bansang kumakalaban sa atin.

30. Ikaw ang aming napili na kapalit niya upang pangunahan kami sa pakikipaglaban sa mga kaaway.”

31. Tinanggap ito ni Jonatan, at mula noo'y siya na ang gumanap ng tungkuling naiwan ni Judas.

32. Hindi nalingid sa kaalaman ni Baquides ang bagay na ito, kaya ipinasya niyang patayin si Jonatan.

33. Ngunit ang masamang balak na ito'y nalaman din ni Jonatan at ni Simon na kanyang kapatid. Tumakas sila at nagtago sa ilang ng Tekoa. Doon sila humimpil sa tabi ng tipunan ng tubig sa Asfar.

1 Macabeo 9