1 Macabeo 9:1-19 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

1. Nakarating kay Demetrio ang balitang si Nicanor ay napatay at ang hukbo nito ay natalo sa labanan. Kaya't tinawag niya sina Baquides at Alcimo at sinugong muli sa Judea kasama ang hukbo ng Siria.

2. Dumaan sila sa Galilea at humimpil sa tapat ng Arbela. Nasakop nila ang Arbela at marami silang napatay.

3. Noong unang buwan ng taóng 152, humimpil sila sa tapat ng Jerusalem.

4. Mula roon, nagpunta sila sa Berea, kasama ang 20,000 kawal na lakad at 2,000 kawal na nakakabayo.

5. Samantala, si Judas ay nakahimpil naman sa Elasa, kasama ang 3,000 piling kawal.

6. Natakot ang mga ito nang makitang napakarami ng kanilang kaaway. Marami ang tumakas at 800 lang ang natira sa kanila.

7. Nabahala din si Judas sapagkat habang nalalapit ang labanan, umuunti ang kanyang tauhan, at wala na siyang panahong tipuning muli ang mga ito.

8. Sa kabila ng kanyang pangamba, sinabi niya sa mga natira, “Humanda tayo sa paglaban; maaaring matalo pa rin natin ang kaaway.”

9. “Wala tayong laban sa kanila,” ang sagot ng marami. “Mabuti pa'y iligtas natin ang ating sarili. Umuwi na lang tayo at saka na bumalik. Isama natin ang ating mga kababayan. Iilan na lamang tayo.”

10. Ngunit sumagot si Judas, “Hindi ko magagawang umurong sa mga kaaway! Kung ito na ang ating oras, sama-sama tayong mamamatay alang-alang sa ating bayan. Huwag nating dungisan ang ating karangalan!”

11. Humanda ngang sumalakay ang hukbo ni Baquides. Pinagdalawang pangkat niya ang mangangabayo, at pinauna niya sa hukbo ang mga may tirador at pana. Inilagay niya sa unang hanay ang lahat ng mga bihasang mandirigma.

12. Si Baquides ay sa kanang pangkat sumama. Ang lumulusob na pangkat ng kawal na lakad ay may kaagapay na mga mangangabayo sa magkabilang panig nila, at sabay-sabay na sumugod sa hudyat ng kanilang mga trumpeta. Ang panig ni Judas ay umihip din ng kanilang mga trumpeta.

13. Yumayanig ang lupa sa lakas ng sagupaan ng dalawang hukbo. Ang labanan ay nagsimula sa umaga at tumagal hanggang gabi.

14. Nakita ni Judas na si Baquides ay nasa gawing kanan, kasama ng tagapanguna ng kanyang hukbo,

15. kaya't ito ang pinag-ukulan niya nang puspusang pagsalakay. Ang pinakamatatapang niyang kawal ay dito niya iniharap at napaurong nila ang kaaway hanggang sa paanan ng bundok.

16. Maagap na sumaklolo ang pangkat ni Baquides na nasa kaliwang hanay at sinalakay sina Judas mula sa hulihan.

17. Naging mainitan ang kanilang labanan at marami ang nasawi sa magkabilang panig.

18. Pati si Judas ay nasawi, kaya't ang nalabi sa kanyang mga tauhan ay tumakas na.

19. Ang bangkay ni Judas ay kinuha ng kanyang mga kapatid na sina Jonatan at Simon. Inilibing nila iyon sa Modein, sa libingan ng kanilang mga ninuno.

1 Macabeo 9