3-4. Sa mabisang pamamaraa'y nasakop din ng hukbo ng Roma ang buong Espanya, bagaman malayo ito, at ang lahat ng mina ng pilak at ginto ay kanilang nakuha. Nalupig nila ang mga haring galing pa sa malalayong lugar at ang nakaligtas sa kanila'y pinagbabayad nila ng buwis taun-taon.
22. Ang tugon nila'y iniukit sa isang tapyas na tanso at ipinadala sa Jerusalem upang maging alaala ng kapayapaan at pakikipagkaisa. Ganito ang isinasaad:
23. “Manatili nawang matiwasay at matagumpay ang Roma at ang bansang Judio sa karagatan at sa lupain magpakailanman. Nawa'y malayo sa kanila ang tabak at mga kaaway!
24. Ngunit kung unang digmain ang Roma o alinman sa kanyang mga kapanalig saanmang pook na nasasakop nito,
25. buong pusong sasaklolo ang mga Judio sa abot ng kanilang makakaya.
26. Sa sinumang kaaway niya ay hindi magbibigay ang mga Judio ng trigo, sandata, salapi, o sasakyang-dagat, alinsunod sa napagkasunduan sa Roma; gagampanan nila ang kanilang tungkulin na walang inaasahang kabayaran.
27. “Gayon din, kung ang mga Judio naman ang unang digmain, buong puso silang sasaklolohan ng mga taga-Roma sa abot ng kanilang makakaya ayon sa hinihingi ng pangyayari.
28. Sa mga sumalakay, hindi sila magbibigay ng trigo, sandata, salapi, o sasakyang-pandagat man, alinsunod sa napagkasunduan sa Roma. Tutuparin ng mga Romano ang kanilang tungkulin nang walang panlilinlang.
29. “Ganito ang kasunduan ng mga taga-Roma at ng mga Judio.
30. Sa kasunduang ito, anumang mapagkasunduang idagdag o bawasin ng alinmang panig ay maaaring pagpasyahan at bigyan ng bisa.
31. “Tungkol naman sa kapinsalaang ginagawa ni Haring Demetrio sa mga Judio, may liham na kaming ipinadala sa kanya upang itanong ito, ‘Bakit mo pinahihirapan ang mga kaibigan naming Judio?
32. Kapag nagsumbong pa silang muli sa amin, ipaglalaban na namin ang kanilang karapatan at didigmain namin kayo, sa lupa man o sa dagat.’”