1. Nabalitaan ni Judas ang lakas at tapang ng mga kawal ng Roma. Bantog na bantog sila at nagmamalasakit sa alinmang bansang maging kakampi nila.
2. Nabalitaan din ni Judas ang pakikipaglaban at paglupig nila sa mga taga-Galia, at ang pagpapabuwis sa mga ito.
3-4. Sa mabisang pamamaraa'y nasakop din ng hukbo ng Roma ang buong Espanya, bagaman malayo ito, at ang lahat ng mina ng pilak at ginto ay kanilang nakuha. Nalupig nila ang mga haring galing pa sa malalayong lugar at ang nakaligtas sa kanila'y pinagbabayad nila ng buwis taun-taon.
5. Kahit sina Haring Felipe at Perseo ng Macedonia at iba pang tumulong sa kanilang harapin ang mga taga-Roma ay pawang nalupig at naging alipin.
6. Wala ring nagawa ang balitang-balitang si Antiocong Dakila, hari ng Asia, na nangahas lumaban sa mga taga-Roma, kasama ang malaking hukbo niyang binubuo ng mga mangangabayo, mga karwahe at 120 elepante.
7. Nahuli nilang buháy ang hari; siya at ang susunod pang mga hari ay itinakdang magbayad ng kaukulang buwis. At kinakailangang magbigay sila ng mga alipin
8. at isuko ang ilang pangunahing lalawigan nila nang panahong iyon kasama ang India, Media at Lidia. Ang mga ito'y kinuha ng mga taga-Roma at ibinigay kay Haring Eumenes.