27. Dumating si Nicanor sa Jerusalem kasama ang isang malaking hukbo. Nagkunwari siyang makikipagkaibigan kay Judas. Ang sabi niya,
28. “Huwag na tayong maglaban. Magsasama ako ng ilan lamang tauhan at mag-usap tayo nang mapayapa.”
29. At pumunta nga siya kay Judas at sila'y nagbatian nang mapayapa. Ngunit nakahanda ang mga tauhan niya upang hulihin si Judas.
30. Naramdaman ni Judas na nais lang siyang linlangin ni Nicanor, kaya sa takot niya'y hindi na siya nakiharap uli rito.
31. Nalaman ni Nicanor na hindi kumagat si Judas sa kanyang pain, kaya lumabas siya para salakayin ito sa Cafar-Salama.
32. Ngunit nagapi si Nicanor. Limandaang kawal niya ang nasawi at ang iba'y nagtago sa Lunsod ni David.
33. Samantala, umakyat naman sa Bundok ng Zion si Nicanor. Pinatuloy siya ng ilang pari mula sa Templo, kasama ang ilang matatanda, upang ipakita sa kanya ang handog para sa hari.
34. Ngunit hindi nasiyahan si Nicanor. Kinutya, hinamak, at dinuraan niya ang mga ito.
35. Sa galit niya'y sinabi niya, “Kapag hindi sumuko sa akin si Judas at ang kanyang hukbo, babalik ako matapos magtagumpay at susunugin ko ang Templong ito.” At umalis siyang galit na galit.
36. Nanangis na pumasok sa Templo ang mga pari at sa harap ng dambana ay nanalangin,
37. “Panginoon, pinili mo ang Templong ito para magtaglay ng iyong pangalan, upang dito ka katagpuin at dalanginan ng mga hinirang mo.
38. Ipaghiganti mo kami sa taong ito at sa kanyang hukbo. Bayaan mo silang malipol sa labanan. Huwag mong pahintulutan na lagi ka nilang lapastanganin.”
39. Iniwan ni Nicanor ang Jerusalem at doon nagkampo sa Beth-horon. Sumama sa kanya roon ang hukbo ng Siria.
40. Samantala, si Judas, kasama ang tatlong libong tauhan ay humimpil sa Adasa. Nanalangin siya ng ganito:
41. “Panginoon, nang lapastanganin ka ng mga isinugo ng hari, pinatay ng anghel mo ang 185,000 sa kanila.
42. Gayon din sana ang gawin mo ngayon sa hukbong kalaban namin para malaman ng lahat na pinarusahan mo si Nicanor dahil sa paglapastangan sa iyo.”