1 Macabeo 7:14-28 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

14. sapagkat ganito ang usapan nila: “Isang pari mula sa lipi ni Aaron ang dumating na kasama ng hukbo; hindi nila tayo pipinsalain.”

15. Mapayapang nakipag-usap si Alcimo sa kanila, at ganito ang pangako: “Kayo at ang inyong mga kaibiga'y hindi namin gagambalain.”

16. Dahil sa pangakong ito, nagtiwala sila. Ngunit walang anu-ano'y hinuli ang animnapu sa kanila at pinaslang noon din. Ganito ang sinasabi ng kasulatan:

17. “Ikinalat nila ang bangkay ng inyong mga hinirang,ang dugo nila'y dumanak sa paligid ng Jerusalem,at wala isa mang natira upang maglibing.”

18. Dahil dito, takot at pangamba ang nadama ng mga tao. Sabi nila, “Hindi dapat pagtiwalaan ang mga taong ito. Mga sinungaling sila at walang katarungan. Sila na rin ang sumira sa kanilang pangako.”

19. Matapos gawin ang pamamaslang, si Baquides ay umalis sa Jerusalem at humimpil sa Beth-Zait. Mula roo'y iniutos niyang dakpin ang lahat ng mga takas na Judiong sumama sa kanya. Ang mga ito'y ipinapatay at ipinatapon sa isang malaking hukay.

20. Ipinagkatiwala niya kay Alcimo ang pamamahala sa mga lalawigan at nag-iwan siya rito ng isang bahagi ng hukbo bago nagbalik sa hari.

21. Ipinaglabang mabuti ni Alcimo ang kanyang hangaring manatiling Pinakapunong Pari.

22. Lahat ng mahilig sa gulo ay lumapit sa kanya. Sila ang nanungkulan sa Judea, ginulo ng mga ito ang buong Israel.

23. Hindi nalingid sa kaalaman ni Judas ang kasamaang ito na higit pa sa ginawa ng mga Hentil.

24. Nilibot niya ang buong Judea at pinaghigantihan ang lahat ng pumanig kay Alcimo, kaya ang mga ito'y hindi nakatakas.

25. Sa unti-unting paglakas ng pangkat ni Judas, nangamba si Alcimo na hindi na niya ito kayang harapin. Kaya, nagsumbong siya sa hari at pinaratangan ng pagmamalabis sina Judas.

26. Nang marinig ng hari ang ginagawa ni Judas, isinugo niya si Nicanor, isa sa bantog niyang pinuno ng hukbo at mahigpit na kaaway ng mga Israelita, upang lipulin ang mga ito.

27. Dumating si Nicanor sa Jerusalem kasama ang isang malaking hukbo. Nagkunwari siyang makikipagkaibigan kay Judas. Ang sabi niya,

28. “Huwag na tayong maglaban. Magsasama ako ng ilan lamang tauhan at mag-usap tayo nang mapayapa.”

1 Macabeo 7