7. Umabot din sa kaalaman niya na inalis na ang tinatawag niyang “Kalapastanganang Walang Kapantay” na inilagay niya sa altar sa Jerusalem at ang Templo ay pinaligiran ng mataas na pader; pati ang kanyang lunsod ng Beth-sur ay nilagyan ng pader.
8. Sa mga balitang ito'y natakot ang hari at lubhang nabahala. Dahil sa kanyang mga kabiguan siya'y nagkasakit.
9. Maraming araw na nanaig sa kanya ang matinding kalungkutan, hanggang sa maramdaman niyang malapit na siyang mamatay.
10. Dahil dito, tinawag niya ang lahat niyang mga kaibigan at ganito ang sinabi, “Matagal na akong hindi makatulog dahil sa pag-aalala.
11. Naitatanong ko sa aking sarili kung bakit ko dinaranas ang ganitong kahirapan. Alam naman ninyong hindi ako mahigpit sa aking pamamahala.
12. Ngunit naalala ko ang aking masamang ginawa sa Jerusalem. Inalis kong lahat ang mga kagamitang pilak at ginto sa Templo, at ipinapatay ko ang mga mamamayan ng Judea ng walang sapat na dahilan.
13. Alam kong ito ang dahilan ng aking mga paghihirap. Ngayon, ako'y mamamatay sa ibang lupain.”
14. Tinawag niya si Felipe, isa sa kanyang matalik na kaibigan, at ipinagkatiwala rito ang pangangasiwa sa buong kaharian.
15. Ibinigay niya rito ang korona, mga kasuotan at ang singsing ng kapangyarihan, ipinagkatiwala sa kanya ang pangangalaga at pagtuturo sa anak niyang si Antioco hanggang sa ito'y maging ganap na hari.
16. Matapos maipagbilin ang lahat, namatay sa Persia si Haring Antioco nang taóng 149.
17. Nang malaman ni Lisias ang pagkamatay ng hari, pinutungan niya agad ang anak ng hari na si Antioco, ang batang pinalaki niya at sinanay upang maghari kung sakaling mamatay na ang matandang hari. Binigyan niya ito ng titulong Eupator.
18. Sa kabilang dako, ang mga Israelita ay patuloy na ginugulo ng mga kaaway na nasa kuta ng Jerusalem. Sila rin ang humahadlang sa mga Israelita sa pagpunta sa Templo, at tumutulong sa mga Hentil.
19. Kaya, tinipon ni Judas ang lahat ng mga kasamahan, at pinalibutan at kinubkob nila ang muog.
20. Matapos gumawa ng kanilang tanggulan at iba pang sandatang kailangan, sinalakay nila ang muog noong taóng 150.
21. May mga nakulong sa muog na nakatakas at sinamahan ng mga nagtaksil na Israelita.
22. Ang mga ito'y nagpunta sa hari, at ganito ang sinabi: “Kailan pa ninyo igagawad ang katarungan at ipaghihiganti ang aming mga kababayan?
23. Naglingkod kami sa inyong ama nang maluwag sa aming kalooban at sinunod ang lahat ng kanyang utos.
24. Ngunit anong napala namin? Kinalaban kami ng aming mga kababayan, at marami sa amin ang pinatay saka inagawan ng ari-arian.
25. Hindi lamang kami ang pinag-initan nila, kundi lahat ng mga kalapit nilang lupain.
26. Pati ang muog ng Jerusalem ay kinubkob nila para sakupin. Maging ang Templo at ang Beth-sur ay nilagyan nila ng kuta.
27. Kapag hindi ito napigil, higit diyan ang kanilang gagawin, at hindi na ninyo sila mapipigil.”