40. Sa kahabaan ng hanay ng hukbo, ito'y umaabot mula sa kaburulan hanggang sa kapatagan, ngunit ito'y maayos na lumalakad.
41. Sa lakas ng hukbong ito, lahat ng makarinig sa ingay at kalansing ng sandata ng mga kawal habang nagmamartsa ay nanginginig sa takot.
42. Hinarap ng hukbo ni Judas ang mga kaaway at 600 agad sa kawal ng hari ang nasawi.
43. Ang pinakamalaking elepante na tinatawag ding Avaran ay nakita ni Eleazar. Palibhasa'y nababalutan itong mabuti, inisip niyang dito nakasakay ang hari.
44. Ipinasya niyang ialay ang sariling buhay alang-alang sa kanyang mga kababayan at upang siya'y mabantog.
45. Kaya't sumugod siya at lahat ng maraanan niya sa kaliwa't kanan ay kanyang pinapaslang.
46. Pagsapit niya sa elepante, nagtuloy siya sa ilalim nito upang saksakin ang tiyan ng hayop. Nabagsakan siya nito at kapwa sila namatay.
47. Nang makita ng mga Israelita ang lakas ng hukbo ng hari at handang makipagdigma nang husto, umatras sila.
48. Isang pangkat ng hukbo ng hari ang tumuloy sa Jerusalem upang sila'y salakayin. Ang hari ay humimpil sa Judea at sa Bundok ng Zion.
49. Nakipagkasundo siya sa mga taga-Beth-sur na noo'y umalis sa lunsod sapagkat naubusan na ng pagkain. Noon ay taon ng pamamahinga ng mga bukirin.
50. Sinakop ng hari ang Beth-sur at naglagay siya doon ng mga kawal upang magbantay.
51. Matagal nilang pinalibutan upang sakupin ang Templo. Nagtayo sila ng mga kuta at lumusob na may iba't ibang sandatang pandigma tulad ng kasangkapang panghagis ng apoy, bato, at mga pana.