1 Macabeo 6:4-18 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

4. sapagkat nilabanan siya ng mga tagaroon. Malungkot siyang umatras at nagbalik sa Babilonia.

5. Nasa Persia ang Haring Antioco nang may magbalita sa kanya na nasindak at umatras ang mga hukbong pinasalakay sa Judea.

6. Nabalitaan din niya na si Lisias at ang malaking hukbo nito ay napaatras din ng mga Israelita. Kaya't ang mga Israelita'y bantog na sa lakas dahil sa nabihag nilang mga tauhan at kagamitan ng mga hukbong kanilang nalupig.

7. Umabot din sa kaalaman niya na inalis na ang tinatawag niyang “Kalapastanganang Walang Kapantay” na inilagay niya sa altar sa Jerusalem at ang Templo ay pinaligiran ng mataas na pader; pati ang kanyang lunsod ng Beth-sur ay nilagyan ng pader.

8. Sa mga balitang ito'y natakot ang hari at lubhang nabahala. Dahil sa kanyang mga kabiguan siya'y nagkasakit.

9. Maraming araw na nanaig sa kanya ang matinding kalungkutan, hanggang sa maramdaman niyang malapit na siyang mamatay.

10. Dahil dito, tinawag niya ang lahat niyang mga kaibigan at ganito ang sinabi, “Matagal na akong hindi makatulog dahil sa pag-aalala.

11. Naitatanong ko sa aking sarili kung bakit ko dinaranas ang ganitong kahirapan. Alam naman ninyong hindi ako mahigpit sa aking pamamahala.

12. Ngunit naalala ko ang aking masamang ginawa sa Jerusalem. Inalis kong lahat ang mga kagamitang pilak at ginto sa Templo, at ipinapatay ko ang mga mamamayan ng Judea ng walang sapat na dahilan.

13. Alam kong ito ang dahilan ng aking mga paghihirap. Ngayon, ako'y mamamatay sa ibang lupain.”

14. Tinawag niya si Felipe, isa sa kanyang matalik na kaibigan, at ipinagkatiwala rito ang pangangasiwa sa buong kaharian.

15. Ibinigay niya rito ang korona, mga kasuotan at ang singsing ng kapangyarihan, ipinagkatiwala sa kanya ang pangangalaga at pagtuturo sa anak niyang si Antioco hanggang sa ito'y maging ganap na hari.

16. Matapos maipagbilin ang lahat, namatay sa Persia si Haring Antioco nang taóng 149.

17. Nang malaman ni Lisias ang pagkamatay ng hari, pinutungan niya agad ang anak ng hari na si Antioco, ang batang pinalaki niya at sinanay upang maghari kung sakaling mamatay na ang matandang hari. Binigyan niya ito ng titulong Eupator.

18. Sa kabilang dako, ang mga Israelita ay patuloy na ginugulo ng mga kaaway na nasa kuta ng Jerusalem. Sila rin ang humahadlang sa mga Israelita sa pagpunta sa Templo, at tumutulong sa mga Hentil.

1 Macabeo 6