32. Iniwan ni Judas ang muog at nagkampo sa Beth-Zacarias para hadlangan ang hukbo ng hari.
33. Hindi ito nalingid sa kaalaman ng hari, kaya't maaga siyang bumangon para ihanda ang kanyang hukbo sa daang patungo sa Beth-Zacarias. Ang mga tambuli'y hinipan habang naghahanda ang mga hukbo sa napipintong labanan.
34. Ipinakita nila sa mga elepante ang katas ng ubas at iba pang alak para magalit ang mga ito, at inihanda sila sa paglaban.
35. Isang elepante ang itinalaga sa bawat isang libong kawal na pawang sandatahan at may mga kasuotang bakal. Sa bawat pangkat, 500 nakakabayo naman ang isinama.
36. Ang mga ito ay itinalaga sa elepante upang mangalaga dito at sundan ito saanman pumunta.
37. Sa likod ng bawat elepante ay nagtayo sila ng isang toreng bantayan. Ito'y yari sa kahoy at nakatali para hindi maalis. Tatlong kawal ang nakasakay dito, bukod pa sa rumirenda rito.
38. Ang mga mangangabayo ay nakaagapay sa magkabilang panig ng hukbo upang sila'y mapangalagaan ng mga kasamahan habang sinasagupa ang kaaway.
39. Kung masinagan ng araw ang mga ginto at tansong kasuotan, ang kinang ng mga ito ay parang nagniningas na mga sulo sa kabundukan.
40. Sa kahabaan ng hanay ng hukbo, ito'y umaabot mula sa kaburulan hanggang sa kapatagan, ngunit ito'y maayos na lumalakad.
41. Sa lakas ng hukbong ito, lahat ng makarinig sa ingay at kalansing ng sandata ng mga kawal habang nagmamartsa ay nanginginig sa takot.
42. Hinarap ng hukbo ni Judas ang mga kaaway at 600 agad sa kawal ng hari ang nasawi.
43. Ang pinakamalaking elepante na tinatawag ding Avaran ay nakita ni Eleazar. Palibhasa'y nababalutan itong mabuti, inisip niyang dito nakasakay ang hari.
44. Ipinasya niyang ialay ang sariling buhay alang-alang sa kanyang mga kababayan at upang siya'y mabantog.
45. Kaya't sumugod siya at lahat ng maraanan niya sa kaliwa't kanan ay kanyang pinapaslang.
46. Pagsapit niya sa elepante, nagtuloy siya sa ilalim nito upang saksakin ang tiyan ng hayop. Nabagsakan siya nito at kapwa sila namatay.
47. Nang makita ng mga Israelita ang lakas ng hukbo ng hari at handang makipagdigma nang husto, umatras sila.
48. Isang pangkat ng hukbo ng hari ang tumuloy sa Jerusalem upang sila'y salakayin. Ang hari ay humimpil sa Judea at sa Bundok ng Zion.