1 Macabeo 6:17-34 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

17. Nang malaman ni Lisias ang pagkamatay ng hari, pinutungan niya agad ang anak ng hari na si Antioco, ang batang pinalaki niya at sinanay upang maghari kung sakaling mamatay na ang matandang hari. Binigyan niya ito ng titulong Eupator.

18. Sa kabilang dako, ang mga Israelita ay patuloy na ginugulo ng mga kaaway na nasa kuta ng Jerusalem. Sila rin ang humahadlang sa mga Israelita sa pagpunta sa Templo, at tumutulong sa mga Hentil.

19. Kaya, tinipon ni Judas ang lahat ng mga kasamahan, at pinalibutan at kinubkob nila ang muog.

20. Matapos gumawa ng kanilang tanggulan at iba pang sandatang kailangan, sinalakay nila ang muog noong taóng 150.

21. May mga nakulong sa muog na nakatakas at sinamahan ng mga nagtaksil na Israelita.

22. Ang mga ito'y nagpunta sa hari, at ganito ang sinabi: “Kailan pa ninyo igagawad ang katarungan at ipaghihiganti ang aming mga kababayan?

23. Naglingkod kami sa inyong ama nang maluwag sa aming kalooban at sinunod ang lahat ng kanyang utos.

24. Ngunit anong napala namin? Kinalaban kami ng aming mga kababayan, at marami sa amin ang pinatay saka inagawan ng ari-arian.

25. Hindi lamang kami ang pinag-initan nila, kundi lahat ng mga kalapit nilang lupain.

26. Pati ang muog ng Jerusalem ay kinubkob nila para sakupin. Maging ang Templo at ang Beth-sur ay nilagyan nila ng kuta.

27. Kapag hindi ito napigil, higit diyan ang kanilang gagawin, at hindi na ninyo sila mapipigil.”

28. Nang marinig ito ng hari, nagalit siya. Tinawag niyang lahat ang kanyang mga kaibigan, ang mga pinuno ng hukbo at lahat ng pinuno ng mangangabayo.

29. Kumuha pa siya ng mga upahang kawal mula sa mga bansang Griego.

30. Nakabuo siya ng napakalakas na hukbo na binubuo ng 100,000 hukbong-lakad, 20,000 hukbong nakakabayo, at 32 sinanay na mga elepante.

31. Lumabas sila at tumawid sa lupain ng Edom at nagkampo sa tapat ng Beth-sur. Gumawa sila ng mga sandatang panalakay. Pagkatapos, sinalakay nila ang Beth-sur. Maraming araw nila itong nilusob, ngunit ubos-lakas na nagtanggol ang mga Judio; lumabas ang mga ito at sinunog ang mga kagamitang panalakay ng hari.

32. Iniwan ni Judas ang muog at nagkampo sa Beth-Zacarias para hadlangan ang hukbo ng hari.

33. Hindi ito nalingid sa kaalaman ng hari, kaya't maaga siyang bumangon para ihanda ang kanyang hukbo sa daang patungo sa Beth-Zacarias. Ang mga tambuli'y hinipan habang naghahanda ang mga hukbo sa napipintong labanan.

34. Ipinakita nila sa mga elepante ang katas ng ubas at iba pang alak para magalit ang mga ito, at inihanda sila sa paglaban.

1 Macabeo 6