1 Macabeo 5:57-68 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

57. Kaya't sinabi nila, “Gumawa tayo ng paraan para matanyag din tayo. Labanan natin ang mga Hentil sa paligid natin.”

58. Para matupad ang gayong layunin, iniutos nila sa kanilang hukbo na pasukin ang Jamnia.

59. Nalaman ito ni Gorgias, kaya't hinarap niya ang mga ito.

60. Sa labanang ito, natalo sina Jose at Azarias at hinabol sila hanggang sa pagpasok ng Judea. May dalawang libong Israelita ang nasawi sa labanang iyon.

61. Ang pagkatalong ito ay bunga ng hindi nila pakikinig kay Judas at sa mga kapatid niya. Sa hangad na umani ng pansariling karangalan,

62. ngunit hindi nila natamo ang kanilang layunin sapagkat hindi sila kabilang sa mga piling sambahayan na pinagkalooban ng karangalang magligtas sa Israel.

63. Si Judas at ang kanyang mga kapatid ay natanyag at iginagalang ng mga Israelita at maging ng mga Hentil. Kapag nababalitaan ng mga tao ang kanilang kabayanihan,

64. pinagkakaguluhan sila at pinaparangalan.

65. Napagkaisahan ni Judas at ng mga kapatid niya na salakayin ang mga Edomita na nasa timog. Nakuha nila ang Hebron at ang mga bayan nito. Winasak nila ang mga kuta nito at sinunog ang mga tore.

66. Mula roon, sinalakay nila ang mga Filisteo at tinawid ang Marisa.

67. May mga paring lumabas upang makipaglaban sa hangad na matanyag subalit inabot sila ng kasawian.

68. Patuloy si Judas sa kanyang pagsalakay, at ang hinarap naman ay ang Asdod, sa lupain ng mga Filisteo. Nagtagumpay rin siya at winasak ang mga altar roon, at sinunog ang mga diyus-diyosan. Nilimas nila ang mga bayan nito bago sila magbalik sa lupain ng Judea.

1 Macabeo 5