1 Macabeo 5:50-60 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

50. Maghapo't magdamag silang lumaban hanggang sa sumuko ang mga taga-lunsod.

51. Lahat ng lalaki sa lunsod ay pinatay. Sinamsam nila ang lahat ng ari-arian, at sinunog ang lunsod. At sa ibabaw ng mga bangkay dumaan si Judas at ang kanyang mga kasama.

52. Mula roo'y tumawid sila ng Jordan patungo sa kapatagan ng Beth-san.

53. Pinagdadakip niya sa daan ang mga nakatakas na kaaway. Habang naglalakbay, pinalakas ni Judas ang loob ng kanyang mga kasama hanggang sa sila'y sumapit sa Judea.

54. Tuwang-tuwa silang umahon sa Bundok ng Zion upang mag-alay ng handog na susunugin bilang pasasalamat sa pagsapit nila nang ligtas at dahil sa walang napahamak ni isa man sa kanila.

55. Samantalang ang magkapatid na Judas at Jonatan ay nasa Gilead, at ang kapatid nilang si Simon ay sumasalakay sa Tolemaida sa Galilea,

56. nabalitaan nina Azarias at Joseng anak ni Zacarias ang kanilang kabayanihan.

57. Kaya't sinabi nila, “Gumawa tayo ng paraan para matanyag din tayo. Labanan natin ang mga Hentil sa paligid natin.”

58. Para matupad ang gayong layunin, iniutos nila sa kanilang hukbo na pasukin ang Jamnia.

59. Nalaman ito ni Gorgias, kaya't hinarap niya ang mga ito.

60. Sa labanang ito, natalo sina Jose at Azarias at hinabol sila hanggang sa pagpasok ng Judea. May dalawang libong Israelita ang nasawi sa labanang iyon.

1 Macabeo 5