48. Nagpadala sa kanila ng sulat si Judas na ganito ang nilalaman: “Wala kaming masamang layunin. Makikiraan lamang kami sa inyong lunsod para umuwi sa amin.” Ngunit hindi pa rin nila binuksan ang mga pintuan.
49. Bunga nito, iniutos ni Judas na bawat isa'y lumusob mula sa kanya-kanyang kinalalagyan.
50. Maghapo't magdamag silang lumaban hanggang sa sumuko ang mga taga-lunsod.
51. Lahat ng lalaki sa lunsod ay pinatay. Sinamsam nila ang lahat ng ari-arian, at sinunog ang lunsod. At sa ibabaw ng mga bangkay dumaan si Judas at ang kanyang mga kasama.
52. Mula roo'y tumawid sila ng Jordan patungo sa kapatagan ng Beth-san.
53. Pinagdadakip niya sa daan ang mga nakatakas na kaaway. Habang naglalakbay, pinalakas ni Judas ang loob ng kanyang mga kasama hanggang sa sila'y sumapit sa Judea.
54. Tuwang-tuwa silang umahon sa Bundok ng Zion upang mag-alay ng handog na susunugin bilang pasasalamat sa pagsapit nila nang ligtas at dahil sa walang napahamak ni isa man sa kanila.
55. Samantalang ang magkapatid na Judas at Jonatan ay nasa Gilead, at ang kapatid nilang si Simon ay sumasalakay sa Tolemaida sa Galilea,
56. nabalitaan nina Azarias at Joseng anak ni Zacarias ang kanilang kabayanihan.
57. Kaya't sinabi nila, “Gumawa tayo ng paraan para matanyag din tayo. Labanan natin ang mga Hentil sa paligid natin.”