39. Bukod doon, umupa pa sila ng mga Arabo. Nagkampo sila sa kabilang ibayo ng ilog at naghahanda na sa paglusob.” Pagkabatid nito, lumabas agad si Judas upang harapin sila.
40. Nakita ni Timoteo si Judas at ang kanyang hukbo na tumatawid sa umaagos na ilog, kaya sinabi niya sa mga pinuno ng kanyang hukbo, “Kung sila ang unang tatawid, tiyak na tayo'y matatalo; hindi natin kaya ang lakas nila.
41. Ngunit kung sila'y matakot at humimpil sa kabila ng ilog, tayo ang tatawid at matatalo natin sila.”
42. Pagdating sa pampang ng ilog, ganito ang iniutos ni Judas sa mga pinuno ng kanyang mga kawal: “Huwag nang magtatayo ng tolda ang sinuman, sapagkat ang lahat ay lalaban.”
43. Pagkasabi nito'y nauna siyang tumawid kasunod ang kanyang hukbo. Sa takot ng mga Hentil, itinapon na nila ang kanilang sandata, tumakas, at nagtago sa napapaderang templo nila sa Carnaim.
44. Ngunit nakuha ng mga Judio ang lunsod na ito at sinunog ang Templo pati ang mga nagtatago roon. Dahil sa pagkasakop sa lunsod na ito, wala nang nangahas lumaban kay Judas.
45. Nang maging payapa na ang lahat, tinipon ni Judas ang lahat ng mga Israelitang nasa Gilead. Iniutos niyang isama ang lahat ng sambahayan pati ang mga ari-arian at dalhin sa Judea. Napakarami nila,
46. at pagsapit sa Efron, hindi sila agad nakalampas. Ang Efron ay malaki at napapaderang lunsod, at wala silang ibang madadaanan kundi sa gitna nito.
47. Ngunit ayaw silang paraanin ng mga tagaroon. Isinara ng mga ito ang mga pintuan ng lunsod at tinambakan ng bato.
48. Nagpadala sa kanila ng sulat si Judas na ganito ang nilalaman: “Wala kaming masamang layunin. Makikiraan lamang kami sa inyong lunsod para umuwi sa amin.” Ngunit hindi pa rin nila binuksan ang mga pintuan.
49. Bunga nito, iniutos ni Judas na bawat isa'y lumusob mula sa kanya-kanyang kinalalagyan.
50. Maghapo't magdamag silang lumaban hanggang sa sumuko ang mga taga-lunsod.
51. Lahat ng lalaki sa lunsod ay pinatay. Sinamsam nila ang lahat ng ari-arian, at sinunog ang lunsod. At sa ibabaw ng mga bangkay dumaan si Judas at ang kanyang mga kasama.