20. Tatlong libong tauhan ang kasama ni Simon sa pagsalakay sa Galilea, at 8,000 naman ang kay Judas na pupunta sa Gilead.
21. Sinalakay nga ni Simon ang mga Hentil sa Galilea at pagkatapos ng maraming pagsasagupa ay nagapi niya ang mga ito.
22. Tinugis niya ang mga ito hanggang sa pagpasok ng Tolemaida. Tatlong libo ang kanilang napatay sa mga tumakas, at marami rin silang nasamsam na ari-arian.
23. Ang mga Judio sa Galilea at Arbata, kasama ang buong sambahayan at mga ari-arian ay ibinalik niya sa Judea, at gayon na lamang ang tuwa ng lahat.
24. Si Judas Macabeo at ang kanyang kapatid na si Jonatan ay tumawid naman sa Jordan at tatlong araw na naglakbay sa ilang.
25. May nasalubong silang mga mapayapang Nabateo, at ibinalita nila ang nangyari sa kanilang mga kababayan sa Gilead.
26. Sabi nila, “Ang marami sa mga kasamahan ninyo'y nakulong sa Bozra, Bosor, gayon din sa Alema, Casfo, Maked at Carnaim.” Malalaki ang mga lunsod na ito at napapaderan.
27. Sinabi pa nilang ang iba ay nasa ibang lunsod ng Gilead. Sinabi nilang kinabukasan ay lulusubin ng kaaway ang nasabing mga lugar at lilipulin ang mga Judio roon sa loob lamang ng isang araw.