2. Ang napagbuntunan nila ng galit ay ang mga Israelita na kahalubilo nila. Ipinasya nilang lipulin ang mga ito.Nang ang mga ito'y pinapatay na,
3. sinalakay ni Judas ang mga taga-Edom sapagkat inaabangan ng mga ito ang mga Israelita. Doon sila sa Akrabatene nagsagupa; nalupig ni Judas ang mga Hentil at sinamsam niya ang ari-arian ng mga ito.
4. Naalala niya ang masamang balak ni Baean at ng kanyang mga anak na laging nag-aabang sa daraanan ng mga Israelita upang patayin ang mga ito.
5. Kinulong niya sila sa kanilang mga kuta at sumumpa na lubusan niyang lilipulin sila. Sinunog niya ang kanilang mga kuta at natupok silang lahat.
6. Matapos gawin ito, tumawid si Judas sa ibayo upang lusubin ang mga Ammonita. Doo'y nakaharap niya ang isang malakas na hukbo na pinamumunuan ni Timoteo.
7. Maraming paglalaban nila ang pinanalunan ni Judas, hanggang sa lubusan niyang nalupig ang mga ito.
8. Bago siya nagbalik sa Judea, sinalakay niya at nilupig ang Jazer, pati ang mga karatig-bayan nito.
9. Bilang ganti, ang lahat ng mga Hentil sa Gilead ay nagtipon at nagkaisang salakayin at lipulin ang mga Israelita na nakatira sa kanilang lupain. Ngunit ang mga ito'y tumakas at nagtago sa mga kuta ng Datema.
10. Mula doo'y sumulat sila kay Judas at ibinalita ang balak ng mga Hentil na sila'y lipulin.
11. Sabi pa nila,“Sa pangunguna ni Timoteo, sila'y sasalakay sa kutang pinagtataguan namin. Kaya saklolohan agad ninyo kami,
12. sapagkat marami na sa amin ang nasawi.
13. Lahat ng mga kasamahan namin sa Tob ay napatay. May 1,000 lalaki ang pinaslang doon. Ang kanilang mga asawa't anak, at mga ari-arian ay tinangay lahat ng mga kaaway.”
14. Samantalang binabasa ang sulat, may dumating na mga sugo galing sa Galilea na gayon din ang ibinalita; punit-punit ang kanilang mga kasuotan.
15. Sinabi nilang ang mga taga-Tolemaida, Tiro, Sidon at Galilea ay nagsama-sama para puksain sila.
16. Dahil dito, tinawag ni Judas ang lahat ng mamamayan upang pag-usapan ang dapat nilang gawin.
17. Sinabi niya kay Simon, “Pumili ka ng mga tauhan mo at iligtas ang mga nasa Galilea. Kami ni Jonatan ang pupunta sa Gilead.”