7. Nakita nila ang pinagkakampuhan ng mga Hentil at ang mga hukbong kabayuhan sa palibot nito na sanay sa digmaan.
8. Sa gitna ng ganitong katayuan, sinabi ni Judas sa kanyang mga kasama, “Huwag kayong matakot sa dami ng kaaway.
9. Ang alalahanin ninyo'y kung paano nakaligtas sa Dagat na Pula ang ating mga ninuno noong sila'y habulin ng mga kawal ng Faraon.
10. Manalangin tayo sa Diyos. Alalahanin natin ang kanyang kasunduan sa ating mga magulang at kung loloobin niya'y mawawasak ngayon ang hukbo ng ating kaaway.
11. Sa gayon, malalaman ng mga Hentil na mayroong Diyos na nagliligtas sa Israel.”
12. Nang makita ng mga Hentil ang paghahanda ni Judas at ng kanyang hukbo,
13. humanda na rin sila sa paglaban. Hinipan nina Judas ang kanilang mga tambuli,
14. at sila'y sumalakay. Ang mga Hentil ay nasindak at tumakas sa kapatagan.
15. Ang mga naiwan ay pawang napatay, at ang mga tumakas ay hinabol nila hanggang sa Gazara, Idumea, Azotus, at Jamnia. Tatlong libo sa mga kaaway ang kanilang napatay.
16. Pagkatapos ng labanan, bumalik ang hukbo ni Judas,
17. at sinabi niya sa kanyang mga kawal, “Kung tayo man ay nagtagumpay, huwag ninyong isipin ang pananamsam sapagkat tayo'y nasa gitna pa ng labanan.
18. Hindi malayo sa atin ang mga kawal ni Gorgias; sila'y nasa kaburulan. Humanda tayo sa kanilang ganting salakay. Saka na natin kunin ang mga samsam.”
19. Hindi pa man natatapos ang pagsasalita ni Judas, isang pangkat ng kaaway ang bumabâ mula sa kaburulan.
20. Nakita nilang ang kanilang hukbo ay napalayas at nasusunog ang kampo. Ganito ang kanilang iniisip dahil sa makapal na usok na pumapailanlang.
21. Sa nasaksihang ito, natakot ang mga kaaway, lalo na nang makita nila sa kapatagan ang hukbo ni Judas na handa nang sumalakay.