1 Macabeo 4:5-15 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

5. Kaya't nang gabing sumalakay si Gorgias sa kampo ni Judas, wala siyang inabot isa man. Ginalugad niya ang kaburulan sa paniwalang tumakas ang mga kalaban.

6. Ngunit nang magbubukang-liwayway, si Judas, kasama ang kanyang 3,000 tauhan ay lumitaw sa kapatagan, bagaman kulang sa mga sandata.

7. Nakita nila ang pinagkakampuhan ng mga Hentil at ang mga hukbong kabayuhan sa palibot nito na sanay sa digmaan.

8. Sa gitna ng ganitong katayuan, sinabi ni Judas sa kanyang mga kasama, “Huwag kayong matakot sa dami ng kaaway.

9. Ang alalahanin ninyo'y kung paano nakaligtas sa Dagat na Pula ang ating mga ninuno noong sila'y habulin ng mga kawal ng Faraon.

10. Manalangin tayo sa Diyos. Alalahanin natin ang kanyang kasunduan sa ating mga magulang at kung loloobin niya'y mawawasak ngayon ang hukbo ng ating kaaway.

11. Sa gayon, malalaman ng mga Hentil na mayroong Diyos na nagliligtas sa Israel.”

12. Nang makita ng mga Hentil ang paghahanda ni Judas at ng kanyang hukbo,

13. humanda na rin sila sa paglaban. Hinipan nina Judas ang kanilang mga tambuli,

14. at sila'y sumalakay. Ang mga Hentil ay nasindak at tumakas sa kapatagan.

15. Ang mga naiwan ay pawang napatay, at ang mga tumakas ay hinabol nila hanggang sa Gazara, Idumea, Azotus, at Jamnia. Tatlong libo sa mga kaaway ang kanilang napatay.

1 Macabeo 4