1 Macabeo 4:45-61 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

45. Pinagkaisahan nilang ito'y wasakin upang hindi maging alaala ng kahihiyang tinamo nila sa kamay ng mga Hentil.

46. Tinibag nila ang dambana at ibinunton ang mga bato sa isang panig ng burol, at naghintay na lamang sila ng propetang magpapasya ng dapat gawin sa mga batong iyon.

47. Samantala, kumuha sila ng mga batong hindi pa natatapyas, at ayon sa iniutos ng Kautusan, ito ang ginamit sa pagtatayo ng bagong altar.

48. Inayos nila ang santwaryo at ang loob ng Templo at nilinis ang mga bulwagan.

49. Gumawa sila ng mga bagong sisidlang gagamitin sa Templo, naglagay ng ilawan at altar na sunugan ng insenso at ng hapag na gagamitin sa loob.

50. Matapos mailagay sa kanya-kanyang lugar ang lahat, nagsunog sila ng insenso sa altar. Sinindihan nila ang mga ilawan at lumiwanag ang Templo.

51. Inihanay nila sa hapag ang tinapay, at ikinabit ang mga kurtina at natapos na lahat ang kanilang gawain.

52. Nang ikadalawampu't limang araw ng ikasiyam na buwan ng taóng 148,

53. maagang-maaga silang bumangon at naghandog sa bagong altar ng mga haing susunugin, ayon sa itinakda ng kautusan ng Diyos.

54. Sa araw na iyon ay itinalaga nilang muli ang Templo sa gitna ng awitang kasaliw ang mga kudyapi, plauta at pompiyang. Ganito ring araw nang lapastanganin ng mga Hentil ang Templo.

55. Lahat ay nagpatirapa, sumamba, at nagpuri sa Diyos na lumingap at pumatnubay sa kanila.

56. Walong araw silang nagdiwang sa pagtatalagang ito; tuwang-tuwa silang nag-alay ng mga handog na susunugin. Nag-alay din sila ng handog para sa pagkakaligtas at handog pasasalamat sa Diyos.

57. Bilang palamuti, ang labas ng Templo ay nilagyan ng mga koronang ginto at maliliit na kalasag. Inayos nila at nilagyan ng mga pinto ang mga silid ng mga pari.

58. Galak na galak ang lahat nang maalis ang mga tanda ng kalapastanganang ginawa ng mga Hentil.

59. Ipinasya ni Judas, ng kanyang mga kapatid at ng lahat ng mamamayan ng Israel na sa gayon ding araw, taun-taon ay ipagdiriwang nila ang muling pagtatalaga ng Templo. Walong araw nilang gagawin ito, mula sa ikadalawampu't limang araw ng ikasiyam na buwan.

60. Pagkatapos, pinatibay nila ang muog ng Bundok ng Zion. Tinayuan nila ito ng matataas na pader at matitibay na tore sa palibot, upang hindi na maulit ang ginawa sa kanila ng mga Hentil.

61. Nagtalaga si Judas ng isang pangkat na magtatanggol sa muog. Nagtayo rin siya ng matibay na muog sa Beth-sur upang magkaroon ng matibay na kuta ang mga tao sa katapat ng Edom.

1 Macabeo 4