1 Macabeo 4:17-34 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

17. at sinabi niya sa kanyang mga kawal, “Kung tayo man ay nagtagumpay, huwag ninyong isipin ang pananamsam sapagkat tayo'y nasa gitna pa ng labanan.

18. Hindi malayo sa atin ang mga kawal ni Gorgias; sila'y nasa kaburulan. Humanda tayo sa kanilang ganting salakay. Saka na natin kunin ang mga samsam.”

19. Hindi pa man natatapos ang pagsasalita ni Judas, isang pangkat ng kaaway ang bumabâ mula sa kaburulan.

20. Nakita nilang ang kanilang hukbo ay napalayas at nasusunog ang kampo. Ganito ang kanilang iniisip dahil sa makapal na usok na pumapailanlang.

21. Sa nasaksihang ito, natakot ang mga kaaway, lalo na nang makita nila sa kapatagan ang hukbo ni Judas na handa nang sumalakay.

22. Dahil dito, tumakas sila papunta sa lupain ng mga Filisteo.

23. Nang makita ni Judas na tumakas na ang mga kaaway, nagbalik sila at nilimas ang kampo ng kalaban. Marami silang nakuhang pilak at ginto, mga telang kulay asul at kulay ube, at iba pang uri ng kayamanan.

24. Bumalik silang umaawit ng pagpupuri at pasasalamat sa Diyos, “Siya'y maaasahan at ang kanyang kagandahang-loob ay magpakailanman.”

25. Kaya nga't naligtas ang Israel nang araw na iyon.

26. Ang nangyaring ito'y umabot agad sa kaalaman ni Lisias sa pamamagitan ng mga dayuhang tumakas.

27. Labis itong ikinabahala ni Lisias, sapagkat hindi nangyari sa Israel ang kanyang inaasahan, ayon sa iniutos ng hari.

28. Upang malunasan ang kabiguang ito, nang sumunod na taon ay naghanda siya ng 60,000 sundalo at 5,000 hukbong nakakabayo.

29. Isinama niya sa Edom ang kanyang hukbo at humimpil sila sa Beth-sur. Naghanda naman si Judas ng 10,000 kawal para harapin ang mga kaaway.

30. Palibhasa'y higit na marami ang kaaway, siya'y dumalangin sa Diyos. Sinabi niya, “Kapuri-puri po kayo, Tagapagligtas ng Israel, na tumulong kay David upang biguin ang pagsalakay ng higante. Niloob po ninyong ang kampo ng mga Filisteo ay isuko kay Jonatan, anak ni Saul, at sa tagadala nito ng sandata.

31. Sa gayon ding paraan ibigay ninyo sa kamay ng inyong mga pinili ang hukbo ng mga kaaway. Hiyain po ninyo sila bagaman malaki ang kanilang hukbo at maraming mangangabayo.

32. Paghariin po ninyo sa kanila ang takot; panghinain ninyo sila. Hayaan ninyong manginig sila sa darating nilang kapahamakan.

33. Kami po ay nagmamahal at sumasamba sa inyo kaya itulot ninyong lipulin namin ang aming mga kaaway para makaawit kami ng papuri sa inyo.”

34. Matapos manalangi'y sumalakay sila, at 5,000 kawal ni Lisias ang nasawi sa labanang iyon.

1 Macabeo 4