52. Masdan po ninyo ang mga Hentil; pinaligiran at sinasalakay po nila kami para wasakin! Batid ninyo ang kanilang balak gawin sa amin.
53. Paano namin maipagtatanggol ang aming mga sarili kung hindi po ninyo kami tutulungan?”
54. Pagkatapos, hinipan nila ang mga trumpeta at sila'y nagsigawan.
55. Nagtakda si Judas ng mangunguna sa bawat pangkat na sanlibo, sandaan, limampu, at sampu.
56. Ayon sa Kautusan, pinauwi niya ang mga bagong kasal, mga bago pa lamang nagtayo ng bahay o nagtanim ng ubasan, o kaya'y natatakot, at hindi na pinasama sa labanan.
57. Nang magawâ ito, ang kanilang hukbo ay lumabas at humanay sa timog ng Emaus.
58. Ito ang utos ni Judas: “Magpakalalaki kayo, at humanda sa paglaban. Bukas ng umaga, lulusubin natin ang mga Hentil na gustong pumuksa sa atin at magwasak ng ating Templo.