32. Bago siya umalis, tinawag niya si Lisias, isang taong kilala at nagmula sa maharlikang angkan. Ginawa niya itong gobernador upang mamahala sa lupain mula Ilog Eufrates hanggang sa hangganan ng Egipto.
33. Kay Lisias din niya ipinagkatiwala ang anak niyang si Antioco.
34. Matapos pagbilinan, iniwan ng hari ang mga elepante at ang kalahati ng hukbo upang magamit ni Lisias sa kanyang pangangailangan. Tungkol naman sa mga taga-Judea at Jerusalem,
35. ang utos ng hari ay salakayin ito upang wasakin nang lubusan,
36. pagkatapos ay patirahan at ipamahagi sa mga dayuhan ang kanilang lupain sa pamamagitan ng palabunutan.
37. Noong taóng 147, umalis ang hari sa Antioquia, ang punong-lunsod, dala ang kalahati ng hukbo. Tumawid sila sa Ilog Eufrates at nagpunta sa mga lalawigan sa hilaga.
38. Samantala, si Lisias ay pumili ng kanyang makakatulong. Kinuha niya si Tolomeo na anak ni Dorimenes at ang dalawa sa mga kaibigan ng hari, sina Nicanor at Gorgias.
39. Sila ang pinamahala sa 40,000 sundalo at 7,000 na hukbong nakakabayo upang lusubin at wasakin ang Juda bilang pagsunod sa utos ng hari.
40. Nang handa na ang lahat, lumakad ang hukbo at pagdating sa kapatagan ay humimpil muna sa malapit sa Emaus.
41. Ang kahusayan ng hukbong ito'y nabalitaan ng mga mangangalakal doon, at hindi pa ma'y pumunta na sila sa himpilan. May dala silang mga tanikala at malaking halaga ng pilak at ginto upang bilhin ang mga Israelita bilang mga alipin. Isang pangkat ng mga taga-Siria at Filistia ang sumama sa kanila.
42. Nabalitaan ni Judas at ng kanyang mga kapatid ang utos ng hari na sila'y dapat nang lipulin at lubos na wasakin ang bansa. Kaya't sa harap ng malaking hukbo ng mga kaaway na nakahimpil na sa kanilang paligid, alam nilang mapanganib na ang kanilang katayuan.
43. Nagkaisa silang ipagsanggalang ang bansa at ang Templo.
44. Humanda ang lahat para makipaglaban at bago lumusob, sila'y sama-samang nanalangin upang hingin ang patnubay at tulong ng Diyos.
45. Ang Jerusalem ay ulila,wala na ang mamamayan.Ang Templo ay winasak, mga banyaga ang bantay.Mga nananahan dito ngayon ay pawang dayuhan;ang Israel ay mapanglaw,nawala na pati ang mga tugtugan.
46. Doon sila nagtipon sa Mizpa, malapit sa Jerusalem, para manalangin, sapagkat iyon ay dating pook dalanginan ng Israel.
47. Nang araw na iyon, nagsuot sila ng damit-panluksa at maghapong nag-ayuno. Binuhusan nila ng abo ang kanilang ulo, at winasak ang kanilang kasuotan.
48. Iniladlad nila ang balumbon ng kautusan ng Diyos upang malaman kung ano ang dapat nilang gawin, katulad ng ginagawang pagtawag ng mga Hentil sa kanilang mga diyus-diyosan.
49. Dala nila sa kanilang pagsamba ang mga kasuotang sagrado ng mga pari, ang mga unang ani, at ang ikasampung bahagi. Pagkatapos, tinawag nila ang mga katatapos lamang mamanatang Nazareo.