20. Iba ang layunin nila ng paglaban. Ang taglay nila'y dahas at pagmamataas sa hangad na lipulin ang ating mga asawa't anak.
21. Ang ipagtatanggol naman nati'y ang ating buhay at ang ating kautusan.
22. Huwag kayong matakot. Tutulungan tayo ng Diyos sa paglupig sa kanila.”
23. At nilusob nila si Seron at ang hukbo nito. Nalito ang mga ito at nagsitakas.
24. Hinabol sila nina Judas pababa sa Beth-horon hanggang sa kapatagan. Walong daan ang napatay sa mga kaaway; ang iba'y tumakas patungo sa lupain ng mga Filisteo.
25. Bunga ng tagumpay na ito, si Judas at ang kanyang mga kapatid ay kinatakutan ng mga Hentil mula noon.
26. Nakaabot sa kaalaman ng hari ang pangyayaring ito at wala nang bukambibig ang mga Hentil kundi ang kahusayan ni Judas sa pakikipaglaban.
27. Nang malaman ni Haring Antioco ang nangyari, nag-alab ang kanyang galit. Tinipon niya ang lahat ng kanyang hukbong sandatahan.
28. Pinabuksan niya ang kanyang kabang-yaman at binigyan ng santaong sweldo ang bawat kawal. Pinahanda niya ang hukbo sa biglaang pangangailangan.
29. Hindi nagtagal at naubos ang laman ng kabang-yaman, sapagkat mahina ang pasok ng salapi dahil sa kaguluhang idinulot ng kanyang pagpapawalang-halaga sa mga dating batas.
30. Nag-alala ang hari na kakapusin siya ng panustos sa kanyang mga gugulin at karangyaang hindi ginagawa ng mga haring nauna sa kanya.
31. Labis niya itong ikinabahala, kaya nagpasya siyang pumunta sa Persia upang maningil ng buwis sa paniwalang doon siya makakakuha ng halagang kailangan niya.