52. Hindi ba't si Abraham ay sinubok at nagtagumpay, at dahil dito'y itinuring ng Diyos bilang isang taong matuwid?
53. Sa panahon ng kahirapan, sinunod naman ni Jose ang Kautusan, at siya ay naging tagapamahala ng Egipto.
54. Dahil sa maalab na paglilingkod ng ating ninunong si Finehas, natamo naman niya ang kasunduan ng walang hanggang pagkapari.
55. Sa pagtugon ni Josue sa utos ng Diyos sa kanya, siya'y naging hukom ng bayang Israel.
56. Natamo naman ni Caleb ang bahagi ng lupain bilang pamana, sapagkat katotohanan ang kanyang ibinalita sa kapulungan ng Israel.
57. Sapagkat si David ay mapagmalasakit, natanggap niya ang pangako ng Diyos na mananatili bilang hari ang kanyang sambahayan.
58. Sa masigasig na pagpapatupad sa Kautusan, si Elias ay iniakyat sa kalangitan.
59. Dahil sa pananampalataya nina Hananias, Azarias at Misael, sila'y naligtas sa maningas na apoy.
60. Si Daniel ay iniligtas naman mula sa bibig ng mga leon dahil siya ay isang taong matapat.
61. Kaya nga pakakatandaan ninyo, ang lahat ng salinlahi na nagtiwala sa Diyos ay hindi nanghina kailanman.
62. Huwag kayong matakot sa banta ng mga makasalanan, sapagkat ang kanilang katanyagan ay magwawakas; mamamatay sila at uubusin ng mga uod ang kanilang bangkay.
63. Maaaring sila'y lubos na kinatatakutan ngayon, ngunit tiyak na darating ang panahon na anumang bakas nila ay hindi na makikita; ang kanilang mga masamang plano'y kasamang maaagnas ng kanilang mga bangkay.
64. Mga anak, magpakatatag kayo, at patuloy ninyong ipagtanggol ang kautusan; kayo ay dadakilain sa pamamagitan nito.
65. “Si Simon ay ituring ninyong ama, kahit siya'y inyong kapatid. Ang anak kong ito ay marunong, kaya't siya ay inyong pakinggan lagi.
66. Si Judas Macabeo ay kilanlin ninyong puno ng hukbo. Siya'y mandirigma na mula pa sa pagkabata, at siya ang mangunguna sa inyong pakikidigma laban sa mga kaaway.
67. Tipunin ninyo ang lahat ng sumusunod sa Kautusan at ipaghiganti ninyo ang ginawang paglapastangan sa inyo.