43. Naragdagan pa sila ng maraming tumatakas dahil sa nangyari. Nagkasundo silang magsama-sama at bumuo ng isang hukbo.
44. Sa matinding galit ng mga ito, pinagpapatay nila ang mga nagkakasala at lumalabag sa utos ng Diyos. Ang mga nakatakas ay napilitang sumama na sa mga Hentil para maligtas.
45. Ang mga altar ng mga Hentil ay winasak nina Matatias at ng kanyang mga kasama.
46. Lahat ng batang hindi tuli na matagpuan sa Israel ay pilit nilang ipinatuli.
47. Tinugis nila ang mga mapagmataas at mga hambog na pinuno ng mga Hentil na tumakas. Kaya't ang kilusan nina Matatias ay lumaganap sa buong bansa.
48. Sa ganitong paraan, ang utos ng Diyos ay napangalagaan, at hindi nagtagumpay ang hangarin ng mga Hentil at ng hari nila na wasakin ito.
49. Ang takdang panahon ng kamatayan ni Matatias ay dumating. Ngunit bago siya namatay, sinabi niya sa kanyang mga anak, “Laganap ngayon ang karahasan at paghihirap. Mga mapagmataas ang nasa kapangyarihan at tayo'y hinahamak.
50. Kayo, mga anak, ay dapat maging matapat sa Kautusan at kung kinakailangan ay handang ibuwis ang buhay para sa tipan ng Diyos sa ating mga ninuno.
51. “Alalahanin ninyo ang ginawa ng ating mga ninuno noong kanilang kapanahunan. Sundin ninyo ang kanilang halimbawa, at kayo'y gagantimpalaan ng karangalan at lubos na katanyagan.
52. Hindi ba't si Abraham ay sinubok at nagtagumpay, at dahil dito'y itinuring ng Diyos bilang isang taong matuwid?
53. Sa panahon ng kahirapan, sinunod naman ni Jose ang Kautusan, at siya ay naging tagapamahala ng Egipto.
54. Dahil sa maalab na paglilingkod ng ating ninunong si Finehas, natamo naman niya ang kasunduan ng walang hanggang pagkapari.
55. Sa pagtugon ni Josue sa utos ng Diyos sa kanya, siya'y naging hukom ng bayang Israel.
56. Natamo naman ni Caleb ang bahagi ng lupain bilang pamana, sapagkat katotohanan ang kanyang ibinalita sa kapulungan ng Israel.