38. Sa Araw nga ng Pamamahinga nang sumalakay ang mga kawal ng hari. May isang libong tao ang napatay, kabilang ang mga ina at mga bata. Pati ang kawan nila ay nalipol rin.
39. Ang nangyaring ito'y nabalitaan ni Matatias at ng kanyang mga kaibigan, at ipinagdalamhati nila ito.
40. Napag-usapan nila, “Kung hindi tayo magtatanggol sa ating sarili at sa ating relihiyon gaya ng ginawa ng ating mga kababayan, mauubos tayo.”
41. Kaya noon di'y nagkaisa sila. “Mula ngayon, kahit Araw ng Pamamahinga, lalaban tayo upang hindi tayo matulad sa mga kababayan nating napatay nang walang laban sa kanilang taguan.”
42. Isang pangkat ng matatapang na Hasideo ang sumanib sa kanila. Ang mga ito'y mga tapat na tagasunod ng Kautusan.
43. Naragdagan pa sila ng maraming tumatakas dahil sa nangyari. Nagkasundo silang magsama-sama at bumuo ng isang hukbo.
44. Sa matinding galit ng mga ito, pinagpapatay nila ang mga nagkakasala at lumalabag sa utos ng Diyos. Ang mga nakatakas ay napilitang sumama na sa mga Hentil para maligtas.
45. Ang mga altar ng mga Hentil ay winasak nina Matatias at ng kanyang mga kasama.
46. Lahat ng batang hindi tuli na matagpuan sa Israel ay pilit nilang ipinatuli.
47. Tinugis nila ang mga mapagmataas at mga hambog na pinuno ng mga Hentil na tumakas. Kaya't ang kilusan nina Matatias ay lumaganap sa buong bansa.
48. Sa ganitong paraan, ang utos ng Diyos ay napangalagaan, at hindi nagtagumpay ang hangarin ng mga Hentil at ng hari nila na wasakin ito.
49. Ang takdang panahon ng kamatayan ni Matatias ay dumating. Ngunit bago siya namatay, sinabi niya sa kanyang mga anak, “Laganap ngayon ang karahasan at paghihirap. Mga mapagmataas ang nasa kapangyarihan at tayo'y hinahamak.
50. Kayo, mga anak, ay dapat maging matapat sa Kautusan at kung kinakailangan ay handang ibuwis ang buhay para sa tipan ng Diyos sa ating mga ninuno.