3. Ako'y matanda na, ngunit salamat sa Diyos, kayo ay nasa kasibulan. Kailangang kayo ang pumalit sa akin at sa aking kapatid sa pakikipaglaban para sa ating bansa. At sumainyo nawa ang Diyos.”
4. Nagtipon si Juan ng 20,000 piling kawal na Israelita at mga mangangabayo, at lumabas sila upang harapin si Cendebeo. Sa Modein sila nagpalipas ng magdamag,
5. at maagang-maaga pa kinabukasan ay tumuloy sila sa kapatagan. Sinalubong sila roon ng isang malaking hukbong sundalo at mangangabayo, subalit may nakapagitan sa kanila na isang ilog.
6. Humanda si Juan at ang kanyang hukbo sa pakikipaglaban at humarap sa kalaban, ngunit nang makita niyang takot lumusong sa tubig ang kanyang mga kawal nauna siyang tumawid. Nang makita ito ng mga kawal, sumunod na sila.
7. Hinati ni Juan ang kanyang hukbo at ipinagitna ang mga kabayuhan sapagkat mas marami ang mangangabayo ng kaaway.
8. Inihudyat ng mga trumpeta ang pagsalakay at nalupig si Cendebeo at ang kanyang hukbo; maraming nasawi sa kanila. Ang natirang buháy ay tumakas na pabalik sa kanilang tanggulan sa Kidron.
9. Si Judas ay nasugatan sa labanan, ngunit ang kapatid niyang si Juan ay humabol sa mga tumatakas na kaaway hanggang sa Kidron, ang lunsod na muling itinayo ni Cendebeo.
10. Ang iba pang tumatakas na mga kawal ay nagpunta sa mga tore sa bukirin ng Asdod. Sinunog ni Juan ang lunsod at nang araw na iyon, dalawang libong kawal ng kaaway ang nasawi. Si Juan ay ligtas na nagbalik sa Judea.