28. Pagkatapos, isinugo ni Antioco ang pinagkakatiwalaan niyang pinuno na si Atenobio para makipag-usap kay Simon. Sinabi nito kay Simon, “Ang nasasakop mong Joppa, Gezer, at kuta ng Jerusalem ay mga lunsod ng aking kaharian.
29. Winasak mo ang mga lupaing iyon at dinalhan ng kaguluhan ang bansa. Maraming lupain sa aking kaharian ang iyong sinakop.
30. Ngayon, ibalik mo sa akin ang mga lunsod na nasakop mo, at ibigay mo rin sa akin ang buwis na kinuha mo sa mga lugar na iyong sinakop, na di kabilang sa lupain ng Judea.
31. Kung ayaw mong gawin ito, bayaran mo ako ng 17,500 kilong pilak, at karagdagang 17,500 kilong pilak bilang kabayaran para sa nawala sa aking lupain at mga buwis. Kung ayaw mo pa ring gawin ito, didigmain namin kayo.”
32. Nang dumating sa Jerusalem si Atenobio at makita ang magarang palasyo ni Simon, ang kasangkapang ginto at pilak sa bulwagang pinagdarausan ng mga malaking salu-salo, at ang nakahanay na malaking kayamanan, siya'y manghang-mangha. Ibinigay niya kay Simon ang sulat ng hari,
33. at sumagot si Simon, “Wala kaming inaagaw na lupain mula sa ibang bansa o kinukuhang anuman sa ibang tao. Ang totoo'y amin lamang binawi ang ari-ariang minana namin sa aming mga ninuno, mga lupaing inagaw ng aming mga kaaway.
34. Ngayon pa lamang namin nagagamit ang pagkakataong ito para mapanumbalik ang pamana ng aming mga magulang.
35. Para sa Joppa at Gezer na inyong inaangkin, bibigyan namin kayo ng 3,500 kilong pilak, bagaman ang mga tao sa mga lunsod na iyon ang gumawa ng napakalaking kapinsalaan sa aming bansa.”Hindi umimik si Atenobio,
36. ngunit nagbalik siya sa hari na nagngingitngit. Nang sabihin niya sa hari ang tugon ni Simon at ibinalita rin dito ang magarang palasyo ni Simon at lahat ng kanyang nakita, lubos na nagalit ang hari.
37. Samantala, si Trifo ay sumakay naman sa isang sasakyang-pandagat at tumakas patungong Ortosia.
38. Itinalaga ni Haring Antioco si Cendebeo bilang tagapamahala ng mga lupain sa baybay-dagat, at binigyan ng mga sundalo at hukbong nakakabayo,
39. saka inutusang lumusob sa Judea. Iniutos din niya rito na muling itayo ang Lunsod ng Kidron at patibayin ang mga pintuan nito, para sa pakikipaglaban sa mga Judio. Ang hari nama'y nagpatuloy ng pagtugis kay Trifo.
40. Dumating sa Jamnia si Cendebeo at ginulo ang mga Judio sa pamamagitan ng paglusob sa Judea, pagbihag sa mga tao, at pagpatay sa marami.
41. Muli niyang itinayo ang Kidron at naglagay roon ng mga bantay na kawal at mangangabayo, para ipagpatuloy ang pagsalakay sa Judea, gaya ng utos ng hari.