1 Macabeo 15:15-29 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

15. Samantala, nakarating na sa Jerusalem mula sa Roma si Numenio at ang mga kasama nito, dala ang sumusunod na liham para sa iba't ibang hari at bansa:

16. “Pagbati mula kay Lucio, konsul ng Roma, para kay Haring Tolomeo.

17. Ilang kinatawan ng aming mga kaibigan at kapanalig na Judio ang naparito upang sariwain ang dating kasunduan ng pakikipagkaibigan. Sila'y isinugo ng Pinakapunong Paring si Simon at ng bansang Judio,

18. at nagdala sila ng handog na gintong kalasag na may bigat na kalahating tonelada.

19. Kaya ipinasya naming sulatan ang iba't ibang hari at mga bansa at sabihin sa kanilang huwag sasaktan ang mga Judio, ang kanilang mga lunsod, o ang kanilang bansa, sa anumang kaparaanan. Huwag nilang didigmain ang mga Judio o tulungan ang mga sumasalakay sa kanila.

20. Tinatanggap namin ang kalasag at ipinangangako sa kanila ang aming pangangalaga.

21. Kaya nga, kung may mga taksil na tatakas mula sa Judea at magtatago sa inyong lupain, ibigay ninyo siya kay Simon, ang Pinakapunong Pari, upang maparusahan ayon sa batas ng mga Judio.”

22. Ang sulat na ito ay ipinadala ni Lucio sa mga Haring sina Demetrio, Atalo, Ariarte, at Arsaces,

23. at sa mga bansang Samsames, Esparta, Delos, Mindos, Sicyon, Caria, Samos, Pamfilia, Licia, Halicarnaso, Rodes, Faselis, Cos, Side, Arado, Gortina, Nido, Cyprus, at Cirene.

24. Pinadalhan din niya ng isang kopya si Simon, ang Pinakapunong Pari.

25. Sa pangalawang pagkakataon, nilusob ni Haring Antioco ang Dor at hindi tinigilan ang pagsalakay rito. Nagpagawa siya ng mga platapormang panlusob at dahil sa kanyang paghadlang sa daanan, hindi makapasok o makalabas ang mga tauhan ni Trifo.

26. Nagpadala si Simon ng pilak, ginto, at maraming kagamitan at dalawang libong piling kawal para tulungan si Antioco.

27. Subalit hindi ito tinanggap ni Antioco, bagkus pinawalang-bisa ang lahat ng naunang kasunduan nila ni Simon, kaya siya'y naging kaaway nito.

28. Pagkatapos, isinugo ni Antioco ang pinagkakatiwalaan niyang pinuno na si Atenobio para makipag-usap kay Simon. Sinabi nito kay Simon, “Ang nasasakop mong Joppa, Gezer, at kuta ng Jerusalem ay mga lunsod ng aking kaharian.

29. Winasak mo ang mga lupaing iyon at dinalhan ng kaguluhan ang bansa. Maraming lupain sa aking kaharian ang iyong sinakop.

1 Macabeo 15