1. Mula sa kapuluang Griego ay sumulat si Antioco na anak ni Haring Demetrio sa buong bansa at kay Simon, ang Pinakapunong Pari at gobernador ng mga Judio. Ganito ang isinasaad ng sulat:
2. “Mula kay Haring Antioco, pagbati sa bansang Judio at kay Simon na Pinakapunong Pari at gobernador.
3. Alam ninyo na ang kaharian ng aking mga ninuno ay inagaw ng mga taksil. Ipinasya kong kunin itong muli at ibalik sa dating kadakilaan. Naghanda na ako ng isang malaking hukbo at mga barkong pandigma.
4. Binabalak kong lusubin ang lupain at salakayin ang nagwasak sa maraming lunsod at sa bansa.
5. “Kaya ngayon, pinapagtibay ko ang ginawa ng mga naunang hari na pag-aalis ng lahat ng buwis at pagbabayad.
6. Binibigyan ko kayo ng karapatang gumawa ng sarili ninyong salapi na gagamitin sa inyong bansa.
7. Hindi magbabayad ng buwis ang Jerusalem at ang Templo. Lahat ng sandatang inyong ginawa at mga tanggulang ipinatayo at nilagyan ng mga bantay ay mananatiling inyo.
8. Bukod dito, lahat ng pagkakautang sa kabang-yaman ng palasyo, o magiging utang sa hinaharap, ay pinatatawad ko ngayon.
9. Sa sandaling manumbalik sa akin ang aking kaharian, ibibigay ko sa iyo, sa iyong bansa, at sa Templo, ang malaking pagpaparangal upang makilala ng buong mundo ang inyong kadakilaan.”
10. Nang taóng 174, nilusob nga ni Antioco ang lupain ng kanyang mga ninuno. Pumanig sa kanya ang karamihan sa mga kawal, kaya iilan ang natira kay Trifo.
11. Nang habulin ni Antioco, si Trifo ay tumakas patungo sa lunsod ng Dor sa baybay-dagat,
12. sapagkat nakita niya na wala na siyang pag-asang makaligtas pa dahil iniwan siya ng kanyang mga tauhan.