1 Macabeo 14:35-44 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

35. Nang makita ng bayan ang pagiging makabayan ni Simon at kung paano niya ninasang parangalan ang kanyang bansa, siya'y ginawa nilang pinuno at Pinakapunong Pari. Ginawa nila ito dahil sa kanyang katapatan at dahil din sa pagpapairal niya ng katarungan at pagsisikap na maparangalan ang kanyang bansa.

36. “Sa kanyang pangunguna, naitaboy ang mga Hentil. Napaalis din ang mga hukbo ng kaaway sa gawing hilaga ng Templo. Nagtayo rito ng tanggulan ang kaaway, at mula roo'y pinapasok ang banal na Templo at nilalapastangan ito.

37. Naglagay si Simon ng mga bantay na Judio sa tanggulan, pinatibay ito para sa kaligtasan ng bansa at ng lunsod ng Jerusalem. Pinataasan din niya ang mga pader ng lunsod.

38. Bunga nito, pinagtibay ni Haring Demetrio ang kanyang pagiging Pinakapunong Pari,

39. at tinawag siyang kaibigan ng hari, at pinarangalan.

40. Ginawa ito ni Demetrio sapagkat nabalitaan niya na tinatawag ng mga taga-Roma na kaibigan, kapanalig, at kapatid ang mga Judio, at tinanggap nila't pinarangalan ang mga kinatawang isinugo ni Simon.

41. “Kaya nga, nagagalak ang mga Judio at ang kanilang mga pari na maging pinuno at Pinakapunong Pari si Simon at ang kanyang mga anak hanggang lumitaw ang isang tunay na propeta.

42. Si Simon ang mamamahala sa bansa, sa templo, at sa hukbo. Siya rin ang mamamahala sa mga kagamitang panghukbo, pagpapatibay ng tanggulan, at pagawaing bayan.

43. Susundin siya ng lahat. Ang kanyang pangalan ang dapat gamitin sa lahat ng kasunduang pampamahalaan. Binibigyan siya ng karapatang magsuot ng kasuotang hari at ng gintong hibilya sa balikat.

44. “Walang sinuman, maging pari o mamamayan, ang bibigyan ng karapatang magpawalang-bisa sa anumang pagpapasya, o magbago ng alinmang utos ni Simon, o tumawag ng pulong nang wala siyang pahintulot, o kaya'y magsuot ng kasuotang hari at ng gintong hibilya sa balikat.

1 Macabeo 14