1 Macabeo 14:1-20 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

1. Noong taóng 172, tinipon ni Haring Demetrio II ang kanyang hukbo at nagpunta sa Media upang humingi ng tulong sa pakikipaglaban kay Trifo.

2. Nang mabalitaan ni Arsaces VI na hari ng Persia at ng Media na nasa kaharian niya si Demetrio, isinugo niya ang isa niyang pinuno upang dakpin ito.

3. Sinalakay nila at ginapi ang hukbo ni Demetrio. Binihag ito at dinala kay Haring Arsaces, at siya'y ipinabilanggo nito.

4. Mapayapa ang lupain ng Judea habang nabubuhay si Simon. Sa buong panahon ng kanyang paghahari, ginamit niya ang kanyang kapangyarihan at lakas para sa ikabubuti ng bayan. Sila nama'y nasiyahan sa kanya bilang kanilang tagapanguna.

5. Nadagdagan ang kanyang katanyagan nang sakupin niya ang daungan ng Joppa at buksan ang daan papunta sa mga pulo ng Grecia.

6. Pinalawak niya ang lupaing nasasakop ng kanyang bansa,

7. at nag-uwi pa ng maraming bihag at sinakop ang Gezer, Beth-sur, at ang tanggulan ng Jerusalem. Nilinis niya ang lahat ng karumihan doon.

8. Mapayapang binungkal ng mga Judio ang kanilang bukirin at masagana ang naging ani; marami rin ang bunga ng mga punongkahoy.

9. Ipinagmalaki ng mga kabataang lalaki ang magagara nilang kasuotang kawal. Samantalang ang matatandang lalaki naman ay nauupo sa liwasan at nag-uusap-usap tungkol sa mga kahanga-hangang pangyayaring naganap.

10. Ang buong lunsod ay sagana sa pagkain at ipinagpatayo pa ni Simon ang bayan ng mga tanggulan. Kaya't nabantog siya sa lahat ng dako.

11. Dinulutan niya ng kapayapaan ang bansa, at walang katapusan ang kagalakan ng Israel.

12. Lahat ay mapayapang namumuhay sa kanilang ubasan at taniman ng igos at walang gumagambala sa kanila.

13. Lahat ng kaaway na hari ay natalo na nang mga panahong iyon at walang natirang isa man para kumalaban sa Israel.

14. Tinulungan ni Simon ang lahat ng mahihirap niyang kababayan. Sa patnubay ng Kautusan ni Moises, inalis niya ang lahat ng masasamang taong sakit ng ulo sa lipunan.

15. Pinalagyan niya ng magagarang kasangkapan ang Templo at dinagdagan ang mga kagamitan sa pagsamba.

16. Nang makarating sa Roma at sa Esparta ang balitang namatay si Jonatan, gayon na lamang ang kanilang pagkalungkot.

17. Ngunit nang mabalitaan ng mga taga-Esparta na si Simon ang pumalit sa kapatid bilang Pinakapunong Pari at siyang namamahala sa bansa at mga karatig-bayan,

18. nagpagawa sila ng mga kasulatang tanso at ipinaukit dito ang kasunduan ng pakikipagkaibigan na ginawa nila noon kina Judas at Jonatan, saka ipinadala kay Simon.

19. Binasa ito sa kapulungan sa Jerusalem.

20. Ganito ang nakasaad sa liham na ipinadala ng mga taga-Esparta:“Ang mga mamamayan ng Esparta at ang kanilang mga pinuno ay bumabati kay Simon, ang Pinakapunong Pari at sa mga pinuno at mga paring Judio, at sa lahat ng aming kapatid na Judio.

1 Macabeo 14