47. Pumayag naman si Simon at itinigil ang labanan. Pinaalis niya sa lunsod ang mga tao. Pagkatapos, nilinis niya ang mga bahay na may diyus-diyosan. Pagkaraang gawin iyon, pumasok siya at ang kanyang mga tauhan sa gitna ng lunsod. Nag-awitan sila ng mga himno at awit ng pagpupuri.
48. Inalis niya ang lahat ng bagay na nagpaparumi sa lunsod alinsunod sa utos ng Diyos, at pinatira roon ang mga taong matapat na tumupad sa Kautusan ni Moises. Pinatibay niya ang mga tanggulan at doon na rin nagpagawa ng palasyo para sa kanyang sarili.
49. Ang mga nasa kuta ng Jerusalem ay hindi na makalabas para bumili o magbili ng anuman. Nagdaranas na sila ng matinding pagkagutom at marami ang namatay sa gutom.
50. Sa wakas, nagsumamo sila kay Simon na makipagkasundo na. Pumayag ito, inalis sila sa kuta, at ito'y nilinis pagkatapos.
51. Nang ika-23 araw ng ika-2 buwan, taóng 171, nagkaroon ng malaking pagdiriwang sa lunsod sapagkat nagwakas na ang kahindik-hindik na banta sa Israel. Pumasok sa kuta si Simon at ang kanyang mga tauhan na umaawit ng himno ng pagpupuri at pasasalamat habang may hawak na mga sanga ng palma, at tumutugtog naman ng alpa, pompiyang at lira ang iba.
52. Nagpalabas ng utos si Simon nang araw na iyon na ang naturang araw ay dapat ipagdiwang taun-taon. Pinatibay niya ang mga tanggulan ng Templo sa gawing kaburulan paharap sa kuta at doon sila humimpil ng mga tauhan niya.
53. Malaki na noon si Juan na anak ni Simon, kaya ginawa itong tagapanguna ng buong hukbo; sa Gezer humimpil si Juan.